Suporta ng UNHRC sa PH human rights concerns, oks kay Sen. Go
MANILA, Philippines — Welcome para kay Senator Christopher “Bong” Go ang resolusyon ng United Nations Human Rights Council na tumulong sa Pilipinas na tugunan ang usapin sa karapatang pantao, lalo sa giyera ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Go, ang resolusyon ay magbibigay daan sa mas malalim na pagtutulungan at positibong hakbang upang masugpo ang salot na ilegal na droga sa bansa.
Sinabi ng senador na ang Pilipinas ay mayroon nang kinakailangang mga mekanismo at gumaganang institusyon, kagaya ng malayang sistema sa hudikatura at ang nasabing resolusyon ay lalo pang magpapalakas sa mga ito.
Ang UNHRC resolution ay panukala ng mga bansang Pilipinas, India, Nepal, at ng iba pang UNHRC non-members, gaya ng Hungary, Iceland, Norway, Thailand, at Turkey.
Sa ilalim ng resolusyon, hiniling kay UN Rights chief Michelle Bachelet na magkaloob ng suporta sa gobyerno ng Pilipinas na patuloy na tinutupad ang pandaigdigan nitong obligasyon para sa karapatang pantao.
Magpopokus ang UNHRC sa domestic investigative at accountability measures, data gathering sa mga police violations, pakikipag-ugnayan sa civil society at sa Commission on Human Rights.
Tatalakayin din nito ang mekanismo sa pag-uulat at pag-follow-up, counterterrorism legislation at human rights-based approaches sa pagkontrol sa droga.
- Latest