House bill, aakit sa Pinas sa mga nag-aalisang kumpanyang ‘fintech’ sa Hong Kong
MANILA, Philippines — Nakahain ngayon sa Kamara ang House Bill 7760 na naglalayong akitin sa Pilipinas ang mga kumpanyang ‘financial technology’ na nag-aalisan sa Hong Kong dulot ng paghihigpit sa kanila.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, iniaatas ng kanyang panukalang ‘Financial Technology Industry Development Act (HB 7760) ang paglikha ng ‘Financial Technology Office’ (FTO) sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na babalangkas ng isang ‘Financial Technology Industry Roadmap’ at pagpapasulong sa ‘financial technology industry’ ng bansa.
Layunin din ng HB 7760 na pahabain ang panahon upang magkaroon ng ‘Special Investors Resident Visa’ (SIRV) ang mga mamumuhunan sa pananalaping teknolohiya at mga mangangasiwa nito basta may rekomendasyon ang BSP governor.
Ang mga kumpanyang ‘fintech’ ay gumagamit ng makabagong teknolohiya sa pananalapi upang maging higit na mahusay kaysa mga tradisyunal na pamamaraan sa serbisyong pananalapi.
Naglalayasan sa Hong Kong ang mga kumpanyang ‘fintech’ dahil sa pinatinding paghihigpit sa kanila. Puno na rin ang ibang malalaking sentro nito gaya ng Shanghai at Singapore.
“Kinabukasan ng pera ang ‘fintech’ at nais kong manguna ang Pilipinas sa larangang ito. Kung nais nating mangarap kaugnay nito, mangarap na tayo ng malaki,” ani Salceda.
- Latest