‘Pasahero mas lalong mag-ingat’
Sa pagluwag sa physical distancing
MANILA, Philippines — Mas lalong dapat na mag-ingat ang mga pasahero sa pagsunod sa mga ‘health protocols’ kapag sasakay sa mga pampublikong sasakyan makaraang luwagan ng Department of Transportation (DOTr) ang panuntunan sa ‘physical distancing’.
Ayon sa DOH, dapat maging mapagmatyag ang mga Pilipino sa mga sitwasyon na hindi maipatupad ang physical distancing at kung posible ay gumamit ng mga opsyon sa transportasyon na maipatutupad ang isang metrong distansya sa bawat isa.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Edsel Salvaña, clinical associate professor ng UP-Philippine General Hospital, na walang pag-aaral na magiging kapareho rin ang proteksyon sa tao kung nakasuot ng face mask at face shield kung babawasan ang physical distancing.
“Hindi naman po natin sinasabing hindi puwede. Pero dahil wala pa tayong magandang ebidensya, siguro dapat hindi po biglaan dahil baka magkaroon tayo ng problema talaga,” ayon kay Salvaña.
Inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang isang metrong layo sa bawat isa habang ang European Union (EU) ay inirerekomenda naman ang 1.5 metrong agwat at 2 metro naman ang ipinatutupad ng US Centers for Disease Control and Prevention.
Ayon naman kay DOTr Undersecretary Artemio Tuazon, ang Pilipinas na lang ang nagpapatupad ng one-meter distancing sa mga railways. - Mer Layson
- Latest