^

Bansa

DILG: Manila Bay 'white sand' project pwede ihinto kung mapanganib talaga

James Relativo - Philstar.com
DILG: Manila Bay 'white sand' project pwede ihinto kung mapanganib talaga
Nagmamasid at nakikiusyoso ang mga residenteng ito habang tinatambakan ng durog na "dolomite" rocks ang pampang na ito ng Manila Bay, ika-6 ng Setyembre, 2020
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Kahit suportado niya ang P389 milyong proyekto, sinabi ng kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na posible pang maitigil ang pagtatambak ng durog na "dolomite" sa Manila Bay — basta't mapatunayang nakasasama talaga ito sa kalikasan o kalusugan.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año — na kagagaling pa lang sa coronavirus disease (COVID-19) — gusto nila ngayong kausapin ang Department of Health (DOH) kaugnay ng nasabing materyales, na ginagamit bilang sintetikong alternatibo sa "white sand."

Ang "beach nourishment" ng look ay sinasabing bahagi ng rehabilitasyon ng Manila Bay, na layong itransporma ang maruming anyong tubig sa isang mala-Boracay na lugar na malalanguyan.

Basahin: Palace: P389-M Manila Bay ‘white sand’ project approved prior to pandemic

"We’d like also to get the side of the DOH kung mapo-prove talaga nila na harmful ito. Kung talagang maging harmful pa rin talaga 'yan, then we can put a stop," saad ni Año sa panayam ng CNN Philippines, Martes.

"But for now, I’m inclined to support really the DENR."

Kahapon lang nang sabihin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may negatibong epekto sa kalusugan ang dolomite, kung pagbabasehan ang mga pag-aaral at medical literature.

Maliban sa delikado raw na malanghap ang alikabok nito, maaari rin daw magdulot ng pagtatae ang aksidenteng pagkalunok sa maliliit na piraso ng winasak na bato.

"[K]apag naging dust na siya at nag-aerosolize sa air, it can cause respiratory issues or effects to a person," wika ng DOH official sa reporters, Lunes nang umaga.

May kaugnayan: DOH: Pekeng 'white sand' sa Manila Bay may health risks, sabi ng mga pag-aaral

Pero depensa ni Año, "finished product" na raw ito at wala nang peligro sa kalusugan ng tao.

"The dolomites na harmful are those dolomites during the crushing — doon pa sa source na kina-crush ‘yung mga boulders, nandoon ‘yung danger. Pero ito, hindi mo na ito mahihinga," patuloy niya.

'Paglabag sa 5 batas'

Sa gitna nito, sabay-sabay pinalagan ng ilang environmental groups ang naturang "beautification" program lalo na't lumalabag ito aniya sa hindi bababa sa limang environmental at cultural laws.

Ilan dito National Cultural Heritage Act of 2009, kawalan ng konsultasyon sa Lungsod ng Maynila na paglabag diumano sa Local Government Code of 1991, at iba pang mga batas ayon sa Oceana, Living Laudato Si Philippines at Archdiocese of Manila-Ministry of Ecology.

Hindi rin daw ito dumaan sa Environmental Impact Statement (EIS) system gaya ng iba pang mga proyekto, lalo na't maaaring may masama itong epekto sa kalikasan.

"No person may undertake environmentally critical projects or any project in environmentally critical areas without an environmental compliance certificate," sabi ng mgha grupo.

Una nang dinepensahan ni Environment Undersecretary Benny Antiporda na hindi sakop ng EIS system ang beach nourishment at kinakailangan lamang ng certificate of non-coverage.

Ipinagbabawal din ng Fisheries Code ang pagdudumi sa mga anyong tubig, na kinikilala bilang anumang makapamiminsala sa mga buhay at hindi buhay na likas-yaman at tao. Hindi rin pinahihintulutan sa ilalim ng Clean Water Act ang pagdedeposito ng anumang materyales sa mga anyong tubig at kanilang mga pampamng sa dahilang makapagdudulot din ito ng water pollution. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico

DEPARTMENT OF HEALTH

MANILA BAY

WATER POLLUTION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with