Globe nakakuha na ng permits para sa dagdag na cell sites
MANILA, Philippines — Makapagsisimula na ang Globe na magtayo ng mga karagdagang cell sites makaraang makakuha ito ng 26 permits mula sa local government units (LGUs) sa ilang bahagi ng Northern at Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon sa Globe, binigyan na sila ng permit para magtayo ng cell sites sa Sto. Domingo, Agoo at Vigan sa Ilocos Sur, gayundin sa Sto. Tomas at Batangas City sa Batangas.
Sa Visayas, ang Globe ay pinayagan na ring magtayo ng cell towers sa Toledo City, Cebu habang ang network rollouts ay agad na sisimulan sa Butuan City sa Agusan Del Norte, Pagadian City sa Zamboanga del Sur at Cagayan De Oro City sa Misamis Oriental, pawang sa Mindanao.
Bukod sa permits, nagpasalamat din ang Globe sa mga ulat na inalis na ng 25 LGUs ang pangangailangan para sa Sangguniang Bayan resolution upang payagan ang telcos na palawakin ang kanilang network sa kanilang mga lugar.
Ang Sangguniang Bayan resolution ay kabilang sa dating ipinag-uutos na 29 permits na kailangan ng telcos para makapagtayo ng isang cell site.
- Latest