Kahit may kontrobersiya, serbisyo ng PhilHealth ituloy - Sen. Go
MANILA, Philippines — Dapat magtuloy-tuloy ang serbisyong ibinibigay ng Philippine Health Insurance Corporation sa kabila ng mga kontrobersiya, ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go.
Hindi rin aniya dapat makaapekto sa serbisyo ng ahensiya ang pagbibitiw ni Ricardo Morales bilang presidente at CEO.
Tiniyak ni Go na tuloy-tuloy ang ginagawang paglilinis sa gobyerno lalo na sa PhilHealth na lubhang kailangan ang serbisyo ng mga nagkakasakit na miyembro.
Lahat ‘din aniya ng mga opisyal na dawit sa mga anomalya ay dapat na suspendihin para maprotektahan ang integridad ng isinasagawang imbestigasyon.
“Walang katapusan ang hearing namin sa Senado, may mga reported corruption sa baba. Tingin ko, nasa baba talaga at di nakikita ng mga nasa taas ang ginagawang palusot sa baba so dapat masuspinde sila, maiimbestigahan, makasuhan, lifestyle check, put them in jail, ‘yun po ang importante dun, at suspindihin talaga para ‘di na sila makagalaw. Pilayan talaga,” ani Go.
Inihayag din ni Go na may mga naiisip na si Pangulong Rodrigo Duterte na ipalit kay Morales.
“Nagkausap kami ni Pangulong Duterte kaninang madaling araw. Mayroon nang nasa radar niya, pinag-iisipan na niyang mabuti,” ani Go.
Sinabi ni Go na sa Lunes na magdedesisyon ang Pangulo.
“He will decide by Monday kung kanya na pong pipiliin itong taong ito na papalit kay Gen. Morales. Kailangan na rin talagang magkaroon ng kapalit para tuloy tuloy ang serbisyo ng PhilHealth. Hindi po ma-hamper o maantala ang serbisyo para sa tao,” ani Go.
Nauna ng sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na dapat ay malinis at may managerial skills na ang ipapalit kay Morales.
- Latest