Edad sa statutory rape itataas sa 16-anyos
MANILA, Philippines — Inaprubahan kahapon sa joint panel ng Kamara na itaas ang edad sa kasong statutory rape mula sa dating 12-anyos ay gagawin na itong 16 taong gulang.
Sa virtual hearing ng House Committees on Revision of Laws and on Welfare and Children ay nakapasa na ang substitute measures matapos na pag-isahin ang 10 nakabinbing mga panukalang batas hinggil sa edad na dapat masaklaw sa statutory rape.
Ayon kay Tingog Sinirangan Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez, isa sa may-akda, sinumang nakatatanda na magkaroon ng sexual intercourse sa isang menor de edad na 16-anyos pababa ay ikokonsiderang guilty sa kasong rape kahit na napapayag pa ang biktima.
Samantala, ang mga sexual activities sa sinumang 18-anyos pababa ay maikokonsidera ring bahagi ng child abuse at exploitation.
Idinagdag pa ni Romualdez na ang kasalu-kuyang edad ng mga biktima ng statutory rape sa Pilipinas ay hindi tumatalima o naayon sa international average base sa 2015 report ng United Nations International Children’s Fund East Asia at maging sa Pacific Region.
- Latest