Morales magbibitiw bilang hepe ng Philhealth
Resignation ihahain ngayong araw
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng presidente at chief executive officer (CEO) ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), isang ahensyang idinidikit sa katiwalian, na iiwan na niya ang kanyang posisyon sa pamahalaan.
Sa panayam ng TeleRadyo, sinabi ni Ricardo Morales na ibibigay niya ang liham ng kanyang pagbibitiw kay Executive Secretary Salvador Medialdea Miyerkules nang umaga.
"Nagpapasalamat na rin ako sa pangulo na pinayagan niya akong magpahinga. Maaatupag ko na iyong aking kalusugan at iyong aking pamilya," sambit ni Morales.
Pinayuhan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Morales na magbitiw sa pwesto matapos niyang ibahagi ang problema niya sa kanyang kalusugan nitong Agosto, ayon sa kay Justice Secretary Menardo Guevara.
Una nang ibinahagi ni Morales — na namumuno sa ahensyang pinagbibintangan kaugnay ng pagbubulsa sa nasa P15 bilyong halagang pondo at "overpricing sa IT equipment — na sumasailalim siya sa chemotheraphy kaugnay ng kanyang cancer.
Itinanggi na ni Morales ang mga paratang na inaprubahan niya ang mga nasabing kwestyonableng proyekto habang pinapaburan ang ilang ospital.
"I am confident there is not an iota of evidence... I am confident that a thorough and fair investigation will clear us out," sambit pa ni Morales, na isang retiradong militar.
"Malaking pasalamat ako sa Pangulo natin… He never wavered in his confidence in me and I am so humbled by his loyalty. Tunay na kaibigan." — James Relativo
- Latest