Info sa activist killings hindi ipinatago sa PNP – Malacañang
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na walang katotohanan ang ulat na inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na ipagkait o itago sa Commission on Human Rights (CHR) ang mga impormasyon tungkol sa huling pag-atake laban sa mga aktibista at mga nagtatanggol sa karapatang pantao.
Ito’y kaugnay ng magkasunod na pamamaslang kina National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Peace Consultant Randall “Ka Randy“ Echanis at human rights defender Zara Alvarez.
Ayon kay Presidential Spokesperon Harry Roque, bilang isang opisyal ng korte at bilang isang abogado, sumusunod ang Pangulo sa “rule of law” at nais nitong gumulong ang hustisya para sa mga biktima ng pang-aabuso at kanilang mga pamilya.
Tiniyak din ni Roque na maging ang administrasyon ay intresado na malaman kung sino ang nasa likod ng mga pagpatay na isinisisi sa gobyerno.
Ayon pa kay Roque, hindi sila titigil hangga’t hindi naipakukulong ang mga gumawa ng krimen.
Noong Agosto 17 ay pinatay ang human rights worker na si Alvarez. Nauna rito pinatay din si Echanis noong Agosto 10. — Joy Cantos
- Latest