P10 billion pondo sa TIEZA magbubukas ng libu-libong trabaho – Solons
MANILA, Philippines — Pinuna ni Kabayan Rep. Ron Salo ang umano’y pansariling interes ng mga stakeholders at negosyante sa tumututol sa paglalagak ng P10 pondo para sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na nakapaloob sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) dahil mas nais nilang ibigay ang pondo direkta sa kanila.
Sinabi ni Salo na ang alokasyon na P10-B sa TIEZA ay magbubukas ng employment sa libu-libong mga manggagawa lalo na sa mga lalawigan kaysa kung ibigay ang pondo sa mga pribadong kumpanya.
Hinamon naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang Department of Tourism na magpakita sa kongreso ng alternatibong plano kung paano babangon ang industriya ng turismo kung sakaling tututulan nito ang paglalaan ng pondo sa tourism infrastructure.
Umapela rin si Pimentel kay Tourism Sec. Berna Puyat na pakinggan ang totoong problema ng tourism sector hindi lamang ang mga grupo ng travel agencies o mga resort owners dahil karamihan din sa mga tourist spots sa probinsya ay kulang sa access road, walang comfort rooms at kulang sa mga pasilidad.
Kaya kung hindi umano popondohan ang mga tourism infrastructure na ito ay tuluyan nang mapapag-iwanan ng ibang mga bansa.
Para naman kay House Tourism Chair Sol Aragones, aniya, “holistic” ang naging pagtugon ng Kamara sa problema sa turismo dahil hindi lamang sakop ng ilalaang pondo sa infrastracture ang mga kalsada kundi maging paglalagay ng mga cellsites at pagpapaganda ng mga tourist spots.
Hindi rin umano mapapabayaan ang mga resort owners at mga travel agencies dahil may nakalaan na pondo sa ilalim ng Government Financial Institutions (GFIs) kung saan maaaring mag-avail ng loan ang mga ito.
- Latest