Pagbubukas ng klase, iurong sa Oktubre - Sen. Go
MANILA, Philippines — Inirekomenda ni Sen. Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na iurong ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 2020, sa halip na sa Agosto 24 na ikinalendaryo na ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Sen. Go, mas mahalagang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral at responsibilidad aniya ito ng gobyerno.
Aniya, iurong na lang ang pagbubukas ng klase sa Oktubre para mabigyan ng sapat na panahon ang mga mag-aaral, guro, at mga institusyon sa pagtuturo o edukasyon para mapaghandaan ang patuloy na kinakaharap na hamon ng bansa na dulot ng COVID-19 pandemic.
“Umaapela ako sa Executive branch na kung maaari ay i-postpone muna ng ilan pang buwan ang pagbubukas ng klase habang wala pang bakuna sa COVID-19. Huwag nating isugal ang buhay at kaligtasan ng ating mga kabataan.
“Kung hindi pa handa, huwag nating pilitin. Magiging kawawa ang mga estudyante, kawawa ang mga teachers. Hirap na po ang mga Pilipino, huwag na nating dagdagan pa ng pressure ang mga bata at mga magulang nila,” ang pahayag ni Go.
Sinabi ng senador na karamihan sa atin ay hirap pa mag-transition sa alternative modes tulad ng online transactions at online learning dahil ang internet ay hindi reliable at ang offline modes of learning ay pinaghahandaan pa.
“Kung tayo nga dito sa Senado ay nahihirapan sa transition to online, paano pa kaya sila? Bukod sa mga estudyante, dapat alalayan din natin ang ating mga guro. Dapat may angkop na trainings din para sa kanila,” aniya sa pagdinig ng Senado.
- Latest