Totohanin, ikulong ang mga magnanakaw
Bong Go sa task force
MANILA, Philippines — Para mabura ang korapsyon sa pamahalaan, hinamon ni Sen. Bong Go ang Department of Justice (DOJ) na parusahan ang mga opisyal na nasa likod ng korapsyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sinabi ni Go, na malinaw ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang korapsyon at hindi siya titigil sa loob ng natitirang dalawang taon ng kanyang administrasyon hanggang hindi nasasagasaan ang lahat na dapat sagasaan para sa lahat ng Filipino.
Paliwanag ng Senador, maaaring makipagtulungan ang DOJ sa iba’t ibang ahensiya at tanggapan ng gobyerno tulad ng Presidential Anti-Corruption Commission at tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea para mapadali ang imbestigasyon sa PhilHealth.
Naniniwala naman siya na makikipagtulungan pa rin si PhilHealth Chief Ricardo Morales sa ginagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa umano’y mga iregularidad sa kanyang ahensiya sa kabila ng kanyang medical condition.
Ito ang sinabi ni Go matapos na magpadala ng liham sa Senado si Morales at PhilHealth executive vice president Arnel De Jesus kaugnay sa kanilang kondisyon noong Biyernes ng gabi.
Bukas ay muling magsasagawa ng pagdinig ang Senate committee of the whole kaugnay sa umano’y mga anomalya sa PhilHealth.
Giit ni Go, dapat kaagad matapos ang pagdinig ng Senado para maipagpatuloy na rin ng PhilHealth ang pagbibigay nila ng tulong sa publiko lalo na sa mga COVID-19 patients.
- Latest