Limited face-to-face learning aprub kay Duterte sa 'low risk' areas
MANILA, Philippines — Payag na si Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng limitadong pisikal na klase sa mga lugar na modified general community quarantine (MGCQ) low-risk kahit may umiiral pang coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, kanyang paglalahad sa isang press briefing na inere, Martes nang umaga.
Ang mga MGCQ low-risk areas ay yaong mga lugar na hindi binanggit ni presidential spokesperson Harry Roque sa listahan ng modified enhanced community quarantine (MECQ), general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine medium-risk (MGCQ medium-risk) noong ika-15 ng Hulyo.
Ang desisyon ni Duterte ay lumabas batay na rin sa mga isinumiteng proposals ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, na nagsasabing hinihingi na ito ng mga local government units (LGUs) at international schools.
"Limited lang talaga sir. Like, those who are asking are like Siquijor, or Dinagat Islands, Siargao. They are the ones who are probably zero-level [sa hawaan], and then local governments who are declared as low-risk," ani Briones.
Ayon pa sa DepEd chief, nauna na raw nagpatupad ng limited face-to-face learning ang isang maliit na eskwelahan sa Siquijor at isang eskwelahan sa De La Salle system noong Hunyo: "[A]nd it's working."
Agad namang pumayag sa Digong sa proposal ni Briones kahit na una na niyang sinabing hindi magkakaroon ng face-to-face classes hangga't walang bakuna.
"I am with you [Briones] on this. Let's try to [be] also productive even with how constricted the times are... Okay ako sa ano [limited face-to-face classes]," sabi ni Duerte.
Ayon kay Briones, maglalatag naman daw ng ilang health protocols bago magpatupad ng limitadong face-to-face classes para maiwasan ang hawaan ng nakamamatay na COVID-19. Magkakaroon aniya ng mga inspeksyon para matiyak na masusunod ang mga alituntunin.
Maisasara rin daw ng pisikal na klase ang problema ng online learning, sa dahilang hindi lahat ng pamilya ay may digital equipment gaya ng smartphones o computer.
Para sa mga mga maliliit ang silid-aralan, hindi raw basta-basta pwedeng bumalik eskwela, at papayagan lang ang hanggang 10 estudyante. Dapat din daw handa ang mga LGU na magbigay ng pinansyal na tulong sa mga paaralan dahil sila naman ang humihingi ng face-to-face classes.
Hindi naman daw magiging araw-araw ang klase, sabi pa ng kalihim: "It can only be one day or two days. The sessions could be limited to the most important that are most things that a child should learn."
Nasa 71 ang international schools sa bansa ayon sa DepEd, ay kalakhan din daw sa kanila ay hiling na ang harapang pag-aaral.
Mga chikiting 'mas matibay sa COVID-19'
Para mapawi ang pangamba ng mga magulang, sinabi ng DepEd na mas mababa ang risk ng mga bata na mahawaan ng COVID-19 kung kaya't hindi dapat mangamba sa pagbabalik klase.
"Children are not as badly affected by this COVID phenomenon as the adult, especially, the elderly," saad niya.
"We only have 16 recorded deaths of children, which is 0.87% of the total deaths as of July 19."
Dagdag pa ng DepEd, tanging 4.2% lang ng halos 70 confirmed cases ang mga nanggaling sa mga bata.
Dati nang sinabi ng World Health Organization na "highest-risk" ang mga may-edad sa COVID-19, bagay na nakikita rin ng Department of Health (DOH) mula sa kanilang mga datos.
Sa kabila niyan, may mga naitala nang child fatalities sa COVID-19 sa Pilipinas, gaya ng 23-araw na sanggol sa Batangas at 7-anyos na batang babae sa Ilocos.
Mayo pa lang ay hinihimok na ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang DepEd na magpatupad muna ng "mass testing" bago magkaroon ng mga klase, bagay na wala pa rin ngayon.
- Latest