Religious gatherings sa GCQ aprub sa 10% capacity
Iba pang serbisyo sa parlors, barberya papayagan na rin
MANILA, Philippines — Pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga pagtitipon na may kinalaman sa relihiyon sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine pero limitado lamang sa 10% capacity at magkakabisa ito sa Hulyo 10.
Sa unang guidelines ng IATF noong Mayo, pinapayagan ang mga religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ at GCQ pero limitado ang kapasidad sa lima hanggang 10 katao.
Sa resolusyon naman noong Hunyo, pinapayagan na ang religious gatherings sa MGCQ ng hanggang 50 porsiyentong seating capacity.
Ipinaalala muli ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na mahalagang sundin ang social distancing at pagsusuot ng face mask kahit nasa loob ng simbahan.
Samantala, nagkasundo rin ang IATF na posibleng payagan na ang pedicure at manicure sa mga barber shops at beauty parlors sa GCQ areas pero mas mabuti aniyang hintayin ang anunsiyo ng DTI.
Napagkasunduan din na payagan ang practice at conditioning ng basketball at football base sa kahilingan ng Philippine Basketball Association at Football Association.
- Latest