Lalarga ba?: Traditional jeep 'di tiyak kung papasada lahat next week
MANILA, Philippines — Kinontra ng Palasyo ang naunang pahayag ng ilang ahensya ng gobyerno na makababalik-pasada na ang mga tradisyunal na jeepney sa darating na linggo habang patuloy ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila at iba pang mga probinsya.
'Yan ang pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang virtual press briefing, Huwebes.
"Tapatan po: Wala pong kasiguruhan," sabi ni Roque. Ang sinasabi natin, kung kulang pa po ang masasakyan matapos ang bus, ang modern jeepneys, at ang UVs, papayagan po natin ang ilang mga jeepneys na deemed to be road worthy."
"Sasabihin ko na po, hindi po lahat dahil magkakaroon po talaga ng determination kung ano ang roadworthy."
Taliwas ito sa naunang sinabi ng DOTr na pwede nang magbalik ang mga hari ng kalsada kasama ng mga UV Express bago mag-ika-30 ng Hunyo.
BASAHIN: Tradisyunal na jeep, UV Express planong ibalik sa NCR sa katapusan ng Hunyo
Kahapon naman nang sabihin ni LTFRB chair Martin Delgra na papasada na uli ang mga jeep sa susunod na linggo, ngunit hindi niya binanggit kung kailan sila magbabalik.
"For both UV and traditional jeepneys po... For Monday, meron pong mga bubuksan na UV and then followed by the jeepney," ani Delgra sa pagdinig ng Kamara, Miyerkules.
Sabi ni Roque, hindi pa sila nagkakausap ni Delgra hinggil sa isyu. Aniya, susundin pa rin daw nila ang "hierarchy of transportation."
Matatandaang sinuspindi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng pampublikong transportasyon simula nang magpatupad ng mga community quarantine dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Muli nang nakabalik ang mga tren, bus, tricycle at iba pang pampublikong transportasyon sa limitadong antas sa Metro Manila nang luwagan ang lockdown patungong GCQ — pero bawal pa rin pumasada ang mga jeep.
Dahil diyan, tatlong buwan nang kumakalam na ang sikmura ng mga tsuper sa Kamaynilaan dahil walang kinikita sa gitna ng pandemya. Marami sa kanila, namamalimos na.
MAY KAUGNAYAN: Kim Chiu sinamahan ang PISTON mamahagi ng ayuda sa jeepney drivers
Wala pa naman daw balita kung muling makatatanggap ng ayuda ang mga jeepney drivers sa ngayon, ani Roque: "Wala pa po akong balita diyan, bagama't patuloy pa rin po ang second wave ng SAP... at kasama naman po sa second tranche ang maraming jeepney drivers diyan."
Pagkadismaya sa desisyon
Dismayado tuloy ang marami sa pahayag ng Palasyo, at nagpasaring na tila may interes talaga ang administrasyon hinggil sa jeepney phaseout.
"Obviously, there are government officials who are taking advantage of the pandemic to pull off the jeepney phaseout, and possible, are set to profit from the milti-billion 'modernization' deal," sabi ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.
"Kung hindi, ay talagang nakapagtataka paano nasisikmura ng mga opisyal na ito na makitang namamalimos na lamang sa lansangan ang mga tsuper para lamang may maipakain sa kanilang pamilya."
Itinanggi naman ni Roque na pinagsasamantalahan nila ang pagkakataon para magtransisyon ang mga tsuper sa mas mahal na "modernized" jeeps. Aniya, "kapakanan lang ng commuter" ang kanilang iniisip kung kaya't nais nila ang modernisasyon.
Roque denies that the government is taking advantage of the pandemic to phase out traditional jeepneys, says jeepney drivers can express their sentiments without issuing threats @PhilippineStar @PhilstarNews
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) June 25, 2020
Pero para sa Bayan Muna, hindi rin talaga iniisip ng gobyerno kung ano ang makabubuti sa mga mananakay: "Hindi lamang mga tsuper at operator ang nagdurusa kundi ang libu-libong commuters,. Palibhasa itong si Harry Roque, itong mga opisyal ng pamahalaan, ay hindi nakararanas na maghintay araw-araw ng ilang oras para lamang makasakay papunta sa trabaho," ani Gaite, lalo na't hirap sumakay ang maraming nagtratrabaho sa ngayon.
Binira rin ni Sen. Nancy Binay ang patuloy na pagkakabinbin ng mga biyahe ng mga tsuper.
"Sobra nang nahihili ang ating mga tsuper sa kadi-drible at pagpapasa-pasa ng DOTr at LTFRB kung papayagan ba silang bumyahe," wika ni Binay.
"Bakit 'di nila diretsang sabihin kung ano man ang plano ng gobyerno sa kanila? Makakabalik pa ba ang mga jeep o hindi na?"
"Wag naman maging bulag at bingi sa iyak ng mga driver."
— News5 AKSYON (@News5AKSYON) June 25, 2020
Ito ang panawagan ni Sen. Nancy Binay sa DOTr at LTFRB sa isyu kaugnay sa pagpapapayag makabiyahe ang traditional jeepneys sa ilalim ng community quarantine. pic.twitter.com/AYi7QekHul
Kahapon lang nang sabihin ni Labor Secretary Silverstre Bello III na madadagdagan pa ng 4 milyon ang Pilipinong mawawalan ng trabaho bago matapos ang 2020 habang naka-community quarantine.
'Yan ay kahit na umabot na sa record-high na 17.7% ang unemployment rate noong Abril, na katumbas ng 7.3 milyong Pilipino. — may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero at News5
- Latest