Labi ng 282 OFWs sa Saudi pinauuwi sa Pinas
MANILA, Philippines — Nais ng Kingdom of Saudi Arabia na maibalik na sa Pilipinas ang mga labi ng nasa 282 overseas Filipino workers (OFWs) kabilang ang 50 na nasawi dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, binigyan ni Saudi King Salman ang Pilipinas ng 72-oras para ma-repatriate ang mga bangkay.
Dahil dito, tatlong chartered flights ang isasagawa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para maiuwi sa bansa ang mga labi.
Samantala, tila ipinagkibit-balikat ni Bello ang ulat na may mga Pilipino sa Saudi na nangangalakal na ng mga basura sa paghahanap ng makakain at maibebentang bagay.
Sinabi ng kalihim na may mga Filipino community naman na tumutulong sa mga kababayan na nangangailangan at dapat sila umano ang magsabi kung totoong may nangangalakal na ng basura sa kanila.
Iniulat niya na umaabot na sa 56,000 na mga OFWs buhat sa iba’t ibang bansa ang na-repatriate. May 17,000 pa ang inaasahang makakauwi ng Pilipinas ngayong katapusan ng buwan.
Nasa 277 OFWs mula sa North Africa ang inaasahan na darating sa bansa ngayong Lunes. Galing ang mga OFWs sa Libya, Tunisia at Algeria at karamihan ay mga oil at health workers na nakatapos na ng kani-kanilang mga kontrata.
Kasama rin na darating ang mga labi nina Herminia Sablay Estrada at Glenna Deza na kapwa nasawi dahil sa atake sa puso sa Libya.
Nasa 191,000 OFWs naman ang nagpasyang manatili na lang sa kani-kanilang kinalalagyan partikular ang mga nasa Europa, America at Canada.
- Latest