6 maghahatid ng relief sa Bulacan, inirekomendang kasuhan ng 'sedisyon'
MANILA, Philippines — Pormal nang iminungkahi ng Office of the Provincial Prosecutor ng Malolos, Bulacan ang pagsasampa ng kasong "attempted inciting to sedition" sa anim na militanteng nagtangkang magsagawa ng relief operations sa Norzagaray, Bulacan sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ).
Sa inilabas na inquest resolution, kwinekwestyon kasi ang mga tarpaulin at polyetong isinilid sa mga relief goods ng mga volunteer ng grupong Sagip Kanayunan at Tulong Anakpawis.
Aniya, nakasulat daw kasi rito ang mga katagang "oust Duterte" at mga kontra-gobyernong islogan sa panahon ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
"Under Article 142 of the Revised Penal Code, one way of committion Inciting to Sedition is, without taking direct part in the crime of sedition, should incite other to the accomplishment of any acts which constitute sedition by means of speeches, proclamations, writings, emblems, cartoons, banners, or other representations tending to the same end," sabi ng dokumento.
(Basahin: Dahil sa polyeto: Sedisyon vs. militanteng nag-relief operations, makatwiran ba?)
Natagpuan daw ng otoridad ang mga nabanggit na polyeto at tarpaulin nang "walang naipakitang" quarantine pass o permit ang anim na indibidwal, na kinilalang sina:
- Karl Mae San Juan
- Marlon Lester Gueta
- Roberto Medel
- Eriberto Pena Jr.
- Raymar Guaves
- Tobi Estrada
Gayunpaman, iginigiit ng grupo na meron silang naipakitang "food pass," na inisyu mismo ni Eduardo Gongona, na national director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Maliban sa inciting to sedition, pinararatangan ding lumabag ang anim sa RA 11332.
Samantala, ibinasura naman ang reklamong paglabag sa Article 151 ng RPC dahil sa kakulangan ng ebidensya. Wala rin aniyang ginawang krimen kaugnay ng Executive Order 922.
Inirerekomenda ang piyansang P3,000 kada akusado para sa kanilang pansamantalang kalayaan kaugnay ng diumano'y paglabag sa RA 11332, habang P36,000 piyansa naman ang hinihingi para sa kasong inciting to sedition.
Ex-Anakpawis solon mungkahi ring pakasuhan
Kaugnay ng parehong insidente, sumailalim na rin sa inquest proceedings si dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao. Inirerekomenda naman ang kasong paglabag sa "usurpation of authority," Article 151 ng RPC at EO 922 sa dating mambabatas.
Reklamo ng prosecutor, "nagsinungaling" daw kasi si Casilao at nagpakilalang aktibong mambabatas nang magpakita ng I.D. matapos bisitahin sa presinto ang anim na inaresto.
"[This] despite the fact that at present, he is not a member thereof according to their Chief. Thereafter, respondent was arrested," sabi pa ng dokumento.
Bagama't nagpakita ng identification, nananatili ang kampo ng akusado na hindi nagpakilalang kinatawan si Casilao.
Dagdag pa ng inquest resolution, may "probable case" sa reklamong paglabag ni Casilao sa RA 11332.
Una nang kwinestyon ng SENTRA ang pagrereklamo ng RA 11332 kay Casilao at sa anim, lalo na't tumutukoy ang batas sa mga nagdadala ng sakit.
Gayunpaman, idinidiin ng otoridad ang probisyon ng batas hinggil sa "non-cooperation" dahil lumabas siya nang bahay kahit na may executive declaration nang nag-uutos sa pananatili sa bahay sa gitna ng lockdown.
Maaaring pagmultahin nang P20,000 hanggang P50,000 ang mga lalabag sa nasabing batas at maaaring makulong nang hanggang anim na buwan. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest