16 OFWs binigyan ng pardon ng Hari ng Bahrain
MANILA, Philippines — Malaya na ang 16 overseas Filipino workers na nahaharap sa kasong kriminal sa Bahrain makaraan silang bigyan ng Royal Pardon ni His Majesty King Hamad bin Isa Al Khalifa nitong Mayo 20.
Sa pamamagitan ng isang liham, pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Hari ng Bahrain sa pagpapakita ng awa sa mga bilanggong Filipino.
“This act of humanity by His Majesty King Hamad Bin lsa Al Khalifa provides renewed hope and an opportunity for our countrymen and women to build new lives,” nakasaad sa sulat ni Duterte.
Kabilang sa mga pinalaya ay sangkot sa kaso ng iligal na droga, murder, accessory to murder, attempted homicide, prostitusyon, paglustay ng pera, pagnanakaw, human trafficking at pagkakasangkot sa mga away.
Ang 11 sa kanila ay na-deport na pabalik ng Pilipinas habang apat ang inaasikaso pa. Ang nalalabing isang Pinoy na pinatawad sa kasong iligal na droga ay hindi pa rin ganap na nakalaya dahil sa hiwalay na kasong human trafficking.
Samantala, aabot na sa P22 milyong benepisyo ang natanggap ng 59 OFWs na nawalan ng trabaho sa Qatar. Kabilang sa mga tulong na naibigay ang mga hindi nabayarang sahod ng mga employers at ‘end-of-service benefits’.
- Latest