Sidecars pwede na sa national highways
MANILA, Philippines — Dahil sa kakulangan ng pampublikong sasakyan, pinapayagan na ang mga sidecars sa mga national highways sa mga lugar na sakop ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.
“Well nagkaroon na po ng bagong polisiya, pinapayagan na po ngayon ang mga sidecars sa national highways. Yan po ay para maibsan yung kakulangan ng transportasyon ngayong nag-GCQ na at MGCQ na sa maraming areas,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Inihayag din ni Roque na ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na dagdagan ang ruta ng mga bus sa Metro Manila simula ngayong araw.
“Ramdam din po ng Presidente ang hirap ni Juan Dela Cruz sa pagko-commute matapos po maging GCQ at MGCQ ang mga lugar sa Manila. Nagbigay ng direktiba ang Presidente na dagdagan pa ang ruta ng mga bus na bumibiyahe sa Metro Manila simula po bukas, araw ng Biyernes,” sabi ni Roque.
Dahil dito, tatlong ruta ang idadagdag ng Department of Transportasyon bukod pa ang idadagdag sa Lunes.
Sinabi rin ni Roque na kasama ito sa “calibrated approach” ng DOTr para sa muling pagbubukas ng pampublikong transportasyon.
Samantala, hindi pa rin maaaring payagan ang angkas sa motorsiklo dahil ito ang kautusang inilabas ng Inter-Agency Task Force na dapat ipatupad ng mga local government units.
Related video:
- Latest