ABS-CBN nanindigang walang nilabag sa Konstitusyon
MANILA, Philippines — Nanindigan kahapon ang ABS-CBN na wala itong nilabag sa Konstitusyon at patuloy na sumusunod sa batas ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni ABS-CBN President Carlo Katigbak sa pagharap nito sa pagpapatuloy sa pagdinig sa kamara sa renewal ng prangkisa iginiit din ni Katigbak sa mga mambabatas na isang natural born citizen o tunay na Pilipino si dating Chairman at ABS-CBN President Eugenio “Gabby” Lopez III dahilan kapwa Filipino ang kaniyang mga magulang partikular na ang kaniyang ama.
Samantalang ikinatwiran rin ni Katigbak sa mga mambabatas na ang Philippine Depository Receipts (PDR) na inisyu sa ABS-CBN Holdings Inc, ay nilinaw na at pinagtibay bilang legal ng Securities and Exchange Commission noong Oktubre 4, 1999.
Isinasaad dito na ang ABS-CBN Holdings Inc ay naiibang entity mula sa ABS-CBN Broadcasting Inc na nakakuha ng congressional franchise para sa mga frequency nito na katulad sa GMA 7.
Hinggil naman sa alegasyong ang prangkisa ay limitado lamang sa 50 taon, sinabi ni Katigbak ang maximum na 50 taon ay limitado lamang sa single term franchise at walang limitasyon ang anumang single public utility franchise.
Ayon kay Katigbak, hinggil naman sa isyu na ang ABS-CBN ay ibinalik ng libre ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino sa pamilya Lopez matapos ang EDSA Revolution noong 1986, nilinaw ni Katigbak na hindi inilipat ng kompanya ang pag-aari sa ABS-CBN sa administrasyon ng yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos at maging sa mga cronies ng dating diktaturyang rehimen.
Samantalang sa pahayag ng mga Kongresistang nagsusulong sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, binigyang diin ng mga ito na ang serbisyo ng network ay nakapagambag ng entertainment, mga balita, impormasyon sa milyong tagasubaybay nito at maging sa public service. (Joy Cantos)
- Latest