^

Bansa

NCRPO director Sinas nag-sorry sa 'lockdown party,' pero litrato edited daw

James Relativo - Philstar.com
NCRPO director Sinas nag-sorry sa 'lockdown party,' pero litrato edited daw
"Hinaharana" ng isang banda si NCRPO Maj. Gen. Debold Sinas habang idinaraos ang kanyang birthday, ika-8 ng Mayo, 2020 sa gitna ng lockdown.
Released/PIO NCRPO

MANILA, Philippines — Humingi ng tawad si Maj. Gen. Debold Sinas, hepe ng National Capital Region Police Office,  sa nangyaring pagtitipon noong kanyang kaarawan sa gitna ng mga striktong quarantine protocols laban sa anumang "mass gatherings" sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Humaharap ngayon sa batikos si Sinas dahil sa nangyari noong ika-8 ng Mayo, lalo na't Philippine National Police pa naman ang dapat na nagpapatupad ng mga panuntunan sa lockdown.

Sa isang pahayag, sinabi ni Sinas na hindi niya sinasadya ang nangyari lalo na't "ispontanyong" nagdaos ng mañanita — isang tradisyunal na pagsalubong sa kaarawan — ang kanyang mga tauhan.

"[H]umihingi ako ng dispensa sa nangyari sa birthday ko, bagay na nagdulot ng pagkabalisa ng publiko," banggit niya sa Inggles.

"Hindi ko intensyon na sumuway sa mga umiiral na kautusan kaugnay ng Enhanced Community Quarantine."

Ipinangako rin ni Sinas na sumusunod ang NCRPO sa mga kataga at gabay na itinakda ni Pangulong Rodrigo Duterte at Gen. Archie Gamboa, PNP chief, na dumepensa na sa kanya.

Una nang dinepensahan ni Gamboa si Sinas at sinabing "wala" siyang violation.

Kinastigo na ng Bayan Muna party-list, ni Sen. Francis Pangilinan at Interior Secretary Eduardo Año ang nangyari.

"Napaka-laking 'no-no' niyan," sabi ni Año sa panayam ng dzMM.

"Ang aking sinasabi sa ating mga government official, lalo na sa nasasakupan ng DILG, iyong tinatawag nating delicadeza. May mga pagkakataon na kailangan maging example ka.

Ang PNP ay isang ahensya ng gobyerno na nasa ilalim mismo ng DILG.

Edited na litrato?

Bagama't humihingi ng tawad, iginigiit ng NCRPO director na "taken out of context" at in-edit daw ang mga litratong kumakalat tungkol sa kanya sa social media.

"'Yung ilang litratong kumakalat sa social media ay in-edit at kinuha mula sa mga lumang photo," paliwanag pa niya.

"[H]indi maisasalarawan ng mga litrato ang kabuuan nang nangyari."

Sinasabi niya 'yan kahit na mismong NCRPO ang nag-upload ng mga nasabing picture, bagay na tinanggal na nila ngayon sa Facebook.

Bukod pa riyan, tinanggap lang daw niya ang kanyang mga "well-wishers" habang nag-iingat at inaalala ang lahat ng anti-COVID measures ng gobyerno.

Pero sa ilang litrato, makikitang wala silang face mask.

'Sinas parusahan, now na!'

Hindi naman kinagat ng mga militanteng mangingisda ang mga linyahan ng police official. Sa pananaw ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), nararapat lang na parusahan ng PNP si Sinas.

"Hinihimok namin si PNP Chief Archie Gamboa na parusahan si General Sinas at lahat ng mga 'party cops' ngayon din," galit na sabi ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng PAMALAKAYA.

"Dapat klaruhin niya ang isyu dahil maaaring maging command responsibility niya ito, baka pati siya panagutin."

Kinastigo rin ni Hicap ang pag-aresto noon ng PNP sa pitong Anakpawis relief volunteers sa Norzagaray, Bulacan noong Abril at 10 volunteers ng Lingap Gabriela sa Marikina noong Mayo Uno, habang tumutulong lang daw sila sa mga gutom ngayong lockdown, habang nagpapasarap lang aniya ang police official sa paglabag.

Marso nang sabihihn ni Sinas na kalaboso agad ang kababagsakan ng mga lumalabag sa lockdown ngayong ECQ.

"Aarestuhin namin ang hindi sumunod. Alangan naman makipag-dialogue pa kami sa kanila," sabi niya.

BIRTHDAY PARTY

DEBOLD SINAS

LOCKDOWN

PAMALAKAYA

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with