‘Private school teachers bigyan ng ayuda’ - DepEd
MANILA, Philippines — Pinabibigyan ng tulong pinansiyal ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang mga guro mula sa maliliit na pribadong paaralan sa bansa.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, kinonsulta na niya si acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua hinggil dito.
“Ang sabi niya (Chua), we do it the same way for other small businesses, because we are referring to small schools,” anang kalihim.
Kaugnay nito, hihingi aniya ang DepEd mula sa mga pribadong paaralan ng listahan ng mga guro na maaaring kuwalipikado para sa ayuda.
Sinabi ni Briones na ang magiging pokus nila ay mga guro sa maliliit na paaralan na hindi mapasweldo.
“[Iyong] hanggang 10 months lang sila, so kapag walang klase, walang suweldo. Iyon ang gusto naming i-submit at bigyan ng assistance,” aniya.
Una nang napaulat na nasa kalahating milyong empleyado ng private school, na kinabibilangan ng teaching at non-teaching personnel ang apektado ng COVID-19 crisis.
Ang mga ito ay sinasabing tumatanggap ng mas maliit na sweldo habang ang ilan ay wala talagang sahod, sa ilalim ng “no work, no pay” scheme. (Mer Layson)
- Latest