EO sa ‘Balik Probinsiya’ nilagdaan ni Duterte
MANILA, Philippines — Nilagdaan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 114 na nagi-institutionalize ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa Program.
Layunin ng programa na mabawasan ang mga mamamayang nagsisiksikan sa Metro Manila.
Sa ilalim ng EO, itatayo ang Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Council na pamumunuan ng Executive Sectetary at tatayong vice chairperson ang Socio-Economic Planning Secretary.
Layunin din ng kautusan na paunlarin ang mga lalawigan upang matigil na ang paglipat ng mga taga-probinsiya sa Metro Manila.
Ang itatayong council ay inatasan na magbuo sa loob ng 30 araw ng panuntunan kung papaano ipatutupad ang kautusan kabilang ang Balik Probinsiya Framework.
Ang council din ang mangunguna sa implementasyon ng BP Program kabilang ang technical assistance sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno at ng mga local government units.
Ang pondo para sa programa ay kukunin sa mga existing appropriations ng mga member agencies ng council at sa tutukuyin pang budget ng Department of Budget and Management.
- Latest