Martial law dahil sa 'invasion' ng virus, kalokohan — NUPL
MANILA, Philippines — Sa isa na namang kotrobersyal na pahayag, sinabi ni presidential legal counsel Salvador Panelo na maaaring magdeklara ng batas militar dahil sa "pananakop" diumano ng coronavirus disease (COVID-19) — bagay na kalokohan daw ayon sa National Union of People's Lawyers (NUPL).
Tinawag ni Edre Olalia, pangulo ng NUPL na "unbelievable" ang legal theory ni Panelo.
Sinabi rin nito na "legally untenable, constitutionally preposterous and factually absurd, yet an extremely perilous fable" ang sinabi ng abugado ng pangulo dahil ang pananakop ay ginagawa ng militar o armadong grupo.
Hindi rin sang-ayon sa depinisyon ng "pananakop" na ginawa ni Panelo sina Justice Secretary Menardo Guevarra at dating Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Sabi ni Guevarra sa Philstar.com na ang "invasion" sa konteksto ng pagdedeklara ng martial law ay an "pananakop sa bansa ng hukbong sandatahan ng ibang bansa."
Katulad daw ito ng isa pang maaring dahilan para magdeklara ng martial law, ang rebelyon, na sinabi niyang "isang armadong pagbalikwas laban sa pamahalaan ng sarili nitong mga mamamayan."
Si Carpio naman ay natawa na lamang.
Sinabi ni Panelo, na dating tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa kanyang "Counterpoint" virtual briefing, Lunes ang kanyang legal theory.
"[A]lam po ninyo internationally, gaya nga ng sinabi ng isa kong abogado... meron nang international meaning ng invasion... Na it can mean the entry of a disease and the transfer from one area to another," sabi niya.
"Ano bang meron ngayon? There is an actual invasion of the coronavirus disease, which is a pandemic. It threatens, in fact, the entire country... So may aktwal na invasion and public safety is in danger. Eh 'yun nga ang sinasabi ng konstitusyon: rebellion or invasion, when public safety requires."
'Yan din ang kanyang sinabi habang dinedepensahan ang kanyang 2016 statement na pwedeng mag-martial law dahil sa problema ng iligal na droga.
Aniya, bagama't hindi lahat ng tipo ng pananakop at rebelyon ay nagbibigay katwiran sa martial law, nagsisilbing "operative phrase" naman daw ang mga katagang "when public safety requires" pagdating dito.
Sa Article VII, Section 18 ng 1987 Constitution, inilalatag ang mga kondisyon para sa batas militar:
"In case of invasion or rebellion, when the public safety requires it, he may, for a period not exceeding sixty days, suspend the privilege of the writ of habeas corpus or place the Philippines or any part thereof under martial law."
Walang anuman na binabanggit sa Saligang Batas patungkol sa mga virus o sakit pagdating sa martial law. Pero paliwanag ni Panelo, saklaw pa rin daw 'yan.
"Lahat ng sitwasyon o kalakaran na maaaring parang rebelyon o invasion, at ito ay nagbibigay ng panganib, malubhang panganib, imminent danger, sa taumbayan, eh pwede kang gumamit ng isang extraordinary power under the constitution," sabi niya.
"Ano po ba ang nakalagay sa Saligang Batas kung paano magdedeklara ang presidente ng martial law, at kung anong batayan? Ang nakalagay po doon, 'pag may rebelyon, or invasion, 'when public safety requires.'"
Huling nagdeklara ng martial law sa Pilipinas noong ibaba ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao bunsod ng pag-atake ng grupong Maute sa Lungsod ng Marawi, bagay na tumagal nang halos dalawang taon.
Abril nang sabihin ni Digong na maaari siyang magdeklara ng martial law kung patuloy na maglulunsad ng mga "opensiba" ang New People's Army laban sa militar habang nasa kalagitnaan ng pandemic.
COVID-19 nanakop pero Tsina hindi?
Kwinestyon naman ni Neri Colmenares, chairperson ng Bayan Muna party-list, ang pinagsasabi ni Panelo.
"'Pag pinapasok tayo ng China, hindi invasion. Pero 'pag virus, invasion na," pabirong sabi ni Colmenares, na nagsisilbi ring national chairperson ng NUPL.
"Bakit ba obssessed sa martial law si Duterte? Wala siyang tiwala sa civilian [government]?"
Dagdag pa niya, kaya raw nagkakanda-"leche-leche" ang Pilipinas ay dahil panay mga heneral ang itinatalaga ni Duterte sa mga civilian positions, katulad na lang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Isa ang 1972 Martial Law sa buong Pilipinas sa itinuturong pinakamadilim na yugto sa kasaysayan ng Pilipinas, na dahilan kung bakit inaresto ang mahigit 70,000 katao, ayon sa Amnesty International.
Bukod pa riyan sa dinaanang torture ng 34,000 iba pa at pagkakapatay sa 3,200 sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
- Latest