Transport sector malaki na ang lugi
MANILA, Philippines — Malaki na ang nalulugi ng sektor ng pampublikong transportasyon sa bansa, bunsod pa rin ng crisis sa COVID-19, ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) technical division chief Joel Bolano.
Pabor naman ang LTFRB sa ipapatupad na limitadong pasahero upang matiyak na magkakaroon ng physical distancing sa mga pampublikong sasakyan sa pagbabalik ng operasyon ng mga ito.
Ani Bolano, kailangang magtulungan at magsakripisyo ang lahat upang malampasan ng bansa ang kinakaharap na krisis pangkalusugan sa ngayon.
Nauna rito, inianunsiyo ng pamahalaan na papayagan na ang pag-operate muli ng mga public transportation sa mga lugar na isinailalim na sa general community quarantine (GCQ) simula Mayo 1.
Gayunman, kalahati o 50 porsiyento lamang ng orihinal na passenger capacity ng mga public utility vehicles (PUVs) ang maaari nilang isakay para maiwasan ang siksikan at posibleng hawahan ng virus.
Hindi naman kasama sa mga tinalakay ang posibleng pagtataas ng pasahe upang mabawasan ang epekto ng napipintong pagkalugi ng public transport sector.
- Latest