Roque: Tsina 'di sinasamantala ang COVID-19 crisis sa pagsakop ng West Philippine Sea
MANILA, Philippines — Hindi naniniwala ang Malacañang na sinasamantala ng Tsina ang krisis sa coronavirus disease (COVID-19) sa mundo para maitulak ang interes sa South China Sea, na kinapapalooban ng West Philippine Sea.
'Yan ang nilinaw ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang press briefing na inere, Martes.
"Hindi kami sang-ayon sa konklusyon na 'yan," ayon sa tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Inggles kanina.
"Gayunpaman, ang kasalukuyang polisiya ay dedepensahan natin ang lahat ng ating pambansang teritoryo at ang ating soberanyang karapatan."
Kilalang nag-aagawan sa teritoryo ang Pilipinas at Tsina, sampu ng mga iba pang bansa sa Timog-Silangang Asya sa ilang katubigan at rekurso sa South China Sea.
Tuloy-tuloy ang agresyon ng Tsina laban sa Pilipinas matapos nilang tutukan ng gun control radar ang barko ng Philippine Navy sa may Malampaya gas field sa West Philippine Sea at ideklarang parte ng Hainan province ang Paracel at Spratlys, na inaagkin ng Pilipinas.
Dahil diyan, naghain ng dalawang diplomatic protests ang Department of Foreign Affairs sa Embahada ng Tsina noong ika-22 ng Abril.
Sa kabila niyan, itinatanggi ni Locsin na mas tahimik sila ngayon kontra Tsina dahil lang nakatatanggap ang Pilipinas ng COVID-19 assistance mula sa Asian giant.
"Pabayaan niyo ang Embahada ng Tsina sa Maynila. Ni minsan, hindi nila ipinagkabit ang tulong medikal at ligal na pag-angkin," sabi niya kahapon.
"Napakahusay ng anti-COVID assistance ng Tsina at hindi maaaring paratangan na pagbabalat-kayo."
'Joint patrols kontra pananamantala ng Tsina'
Sinagot ni Roque ang naturang paratang kaugnay ng reklamo ni dating Senior Associate Justice Antonio Carpio na sinasamantala ng Tsina ang pagiging abala ng 'Pinaas sa COVID-19 para umariba sa West Philippine Sea.
"Hindi papayag ang Tsina na masayang ang pandemic crisis na ito... sinasamantala ng Tsina ang kahirapan natin ngayon," banggit ni Carpio kahapon.
Dahil diyan, iminumungkahi ngayon ng retiradong mahistrado na makipag-usap na ang Pilipinas sa Vietnam, Malaysia at Indonesia para makipagtulungan at magsagawa ng "joint patrols" sa South China Sea.
Aniya, magiging paraan daw ang depensahan ng kanya-kanyang exclusive economic zones upang hindi na "kayan-kayanin lang" ang mga maliliit na Asyanong bansa.
"Pagpapadala ito ng mensahe... Hindi na tayo pwedeng api-apihin ninuman. Nagkakaisa tayo," ani Carpio.
- Latest