Mass testing ng 8,700 COVID cases sa Metro Manila lalarga na
MANILA, Philippines — Isasalang na sa mass testing sa Martes ang nasa 8,700 katao sa Metro Manila na pinaghihinalaang may COVID-19.
Ayon kay National Action Plan Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., uunahin ang mass testing sa Metro Manila na epicenter ng pandemic na virus.
“This coming Tuesday (next week) gagawin na namin ang mass testing. Gagamitin po naming yung PCR (Polymerase chain reaction) sa mga PUIs (Person Under Monitoring) o mga suspected COVID cases at PUMs (Person Under Monitoring) o yung mga probable,” pahayag ni Galvez.
Ang desisyon aniya ng mass testing ay napagkasunduan ng mga mayors kasama ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at mga testing laboratories.
Sa buong bansa, tinatayang nasa 12,000 hanggang 15,000 ang pinaghihinalaang kaso ng COVID.
Nabatid na ang RT-PCR (Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction) test ay ikinokonsiderang ‘gold standard” sa COVID testing na ginagamit ng mga accredited na mga laboratory na hindi katulad ng rapid test kits.
Sa loob ng 2-3 araw ay kakayaning maisalang sa COVID testing ang nasa 8,700 katao, ayon kay Galvez.
Binigyang diin ni Galvez na importante ang mass testing para sa paghahanda sa posibleng piling Enhanced Community Quarantine (ECQ) pagkaraan ng Abril 30 lockdown.
Sabi ni Galvez, matapos na makuha na ang mga possible carriers ng virus ay medyo may kumpiyansa na para magluwag ng konti dahil kritikal ang mass testing.
Idinagdag pa ni Galvez na ang pamahalaan ay bumili ng 2M rapid testing kits bilang reserba na magagamit sakaling lumobo pa ang bilang ng mga kaso ng COVID 19.
- Latest