Ipasara ang ‘non-essential business’ - DILG
MANILA, Philippines — Inatasan ng Department of the Interior and Local Government ang Philippine National Police at mga local government units (LGUs) na ipasara ang mga non-essential business establishments habang umiiral pa ang enhanced community quarantine.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na nakarating sa kanila ang mga ulat na ilang negosyo ang bumalik sa kanilang operasyon.
Nilinaw ng kalihim na walang ipinatupad na partial lifting sa ECQ.
Giit ni Año, ang mga non-essential businesses na lumalabag sa ECQ at nagbubukas ng tindahan, ay maglalagay sa alanganin sa pagsusumikap ng pamahalaan na sugpuin ang COVID-19 at maaaring magresulta pa upang masayang lamang ang lahat ng mga pamamaraang ginagawa ng gobyerno para labanan ang krisis, na kinakaharap ng mundo.
Sa Memorandum Circular 2020-062 ng DILG, inatasan ang lahat ng LGU na siguruhing sarado ang mga negosyo maliban sa nagbibigay ng ilang pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, tubig, banking at remittance centers, power, energy, telecommunication, at iba pa
Dapat ding i-monitor ng LGUs na skeletal workforce lamang ang operasyon at istriktong nasusunod ang social distancing sa mga nabanggit na negosyo.
Babala pa ni Año, maaaring arestuhin ng mga awtoridad ang sinumang indibidwal na hindi makikiisa sa ECQ.
- Latest