Volunteer doctors sasahod ng P50K
MANILA, Philippines — Handa ang pamahalaan na magbigay ng P50,000 sahod kada buwan sa mga volunteer doctors habang P22,000 sa mga nurse o katumbas ng regular na kita ng kanilang mga counterpart na newly-hired ng gobyerno para magsilbing frontliners sa “giyera” kontra COVID-19.
Ayon kay ACT-CIS Cong. Eric Yap, makikipag-ugnayan sila sa Department of Health (DOH) para mabigyan ng sapat at nararapat na suweldo ang mga health volunteers.
Hindi anya makatwiran na bigyan lang ng P500 suweldo kada-araw ang mga volunteer health workers.
“Insulto kasi na babayaran mo lang ang isang volunteer ng 500 a day, dahil ba sa wala pa silang lisensiya?” sabi ng mambabatas.
Ayon kay Yap, chairman ng House Committee on Appropriations, na posibleng pondohan ang recommended salary ng mga volunteer health workers na sa pagtataya ng pamahalaan ay higit pa sa P40 milyon ang dapat mailaan sa mga ito.
Aniya, willing silang ibigay dahil na rin sa dinaranas na giyera. Hindi umano maaaring sabihin na volunteer lamang dahil pareho din ang panganib na kinahaharap ng mga ito.
Maaaring imungkahi ng Kongreso sa Ehekutibo na kumuha ng pondo mula sa P275 billion fund na nakalaan para sa krisis para sa anumang kailangan ng mga frontliners.
Aniya, may nalalaman at may experience naman sa medical field ang mga volunteer health workers na una ng nagpahayag ng intensiyon sa tutulong sa pamahalaan sa laban sa COVID-19.
Nauna nang humingi ng pasensya ang Department of Health para sa pag-aalok nito ng P500 daily pay sa mga volunteer doctors at mga nurse sa kanilang “month-long contribution,” na nakaranas ng kritisismo mula sa ilan.
Ayon sa secretary-general ng Health Action for Human Rights Dr. Geneve Reyes, dapat bayaran ng nasa P50,000 kada buwan ang mga volunteers doctors, na entry-level salary grade para sa government-hired physicians, habang nasa P22,000 naman ang dapat matanggap ng mga nurse.
Sa datos na nakarating kay Cong. Yap, mahigit 600 interns, doktor, physician assitant at nurse ang handang sumabak sa ‘giyera’ kontra coronavirus para tumulong sa mga health worker na ilang linggo ng pagod at walang pahinga.
- Latest