Emergency power ni Digong aprub ng House committee
MANILA, Philippines — Inaprubahan na kahapon ng House of Representatives Committee of the Whole ang panukalang batas na nagbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte upang magdeklara ng national emergency na naglalayong malabanan ang lumalalang krisis sa novel coronavirus disease 2019 sa bansa.
Sa special session ng komite kahapon, ipinasa ng mga mambabatas ang House Bill 6616 (Bayanihan Act of 2020) na nagdedeklara ng national emergency sa gitna na rin ng pagtaas ng mga kaso ng COVID 19.
Base sa tala ng Department of Health, 462 na ang naitalang kaso ng COVID 19 kung saan 33 ang nasawi habang marami pa ang Person Under Monitoring (PUMs).
Ang nasabing panukala kung kapwa maaprubahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ay magbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Duterte sa loob ng maikling panahon ng emergency powers para mapigilan ang epidemya ng nasabing virus na isa nang global pandemic.
Habang isinusulat ito, nagsesesyon pa ang House at Senado pero sisikapin nilang mapagtibay ang bill kagabi.
Matapos na makalusot na sa Committee of the Whole, ang nasabing panukala ay magbibigay karagdagang kapangyarihan para pangasiwaan ni Pangulong Duterte ang pag-direct ng operasyon sa mga privately-owned hospitals, medical, health facilities, hotels , iba pang mga establisyemento para magamit ng mga health workers, quarantine areas, quarantine centers, medical relief, pagtulong sa mga apektadong lugar at pansamantalang medical facilities.
Binawi rin kahapon ng Malakanyang ang “take-over” provisions sa hiwalay na panukalang-batas na naghahangad na tumugon sa krisis na dulot ng COVID-19. Malou Escudero
Related video:
- Latest