Unang kaso ng Pinoy na may COVID-19 naitala sa South Korea
MANILA, Philippines — Sa pamamagitan ng Twitter, kinumpirma kamakalawa ng gabi ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs ang unang kaso ng Filipino na tinamaan ng corona virus 2019 (COVID-19) sa South Korea.
Ayon sa tweet ni Foreign Affairs Undersecretary for Civilian Security and Consular Concerns Brigido Dulay, iniulat ng South Korean Center for Disease Control and Prevention na nagpositibo sa COVID-19 ang isang Filipino.
“Ito ang unang kumpirmadong kaso ng COVID-19 infection na kinasasangkutan ng isang Pilipino sa South Korea,” sabi pa ni Dulay.
Samantala, hanggang kahapon ay wala muling naiulat na bagong kaso ng COVID-19 infections sa China.
Pinuri ng World Health Organization noong Biyernes ang China dahil nakokontrol na nito ang pagkalat ng virus.
Inirekomenda naman ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin ang pagtatayo ng isang “hospital camp” base sa karanasan ng China at Italy. Inihalimbawa ni Locsin ang mga tents o warehouses na lalagyan ng air filtration.
Ang COVID-19 ay pinaniniwalaang nagmula sa Wuhan, China noong nakaraang Disyembre.
- Latest