Ika-2 empleyado ng Kamara positibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Isa pang empleyado ng House of Representatives ang tinamaan ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19), pagkukumpirma ng Kamara, Martes.
Ayon kay Jose Luis Montales, secretary general ng Kamara, lumiban sa trabaho noong ika06 ng Marso ang empleyadong lalaki at naospital noong ika-7 ng Marso.
"Ang diagnosis ay Dengue. Pero sinuri siya para sa COVID-19 noong ika-12 at ika-14 ng Marso, tapos ngayong araw lang lumabas ang resulta," sabi ni Montales sa Inggles.
Message of Secretary General Atty. Jose Luis G. Montales, 17 March 2020:
— House of Representatives of the Philippines (@HouseofRepsPH) March 17, 2020
We were advised that another employee from our Printing Service tested positive for COVID-19. He last reported for work on March 5. He went on leave on March 6, and was admitted to the hospital on March 7.
Nagtratrabaho siya sa printing office ng Kamara, kung saan empleyado rin ang 41-anyos na una nang namatay dahil sa COVID-19.
Ika-13 hanggang ika-15 ng Marso nang simulang linisin at i-disinfect ng Kamara ang 11 gusali nito sa loob ng Batasan Complex sa Lungsod ng Quezon.
Humingi naman naman ng hinahon ang Kamara sa lahat sa gitna ng pandemic, habang umaasa na makokontrol ang sakit sa tulong ng publiko.
"Ipinaaabot namin ang mga panalangin sa kanya. Patuloy tayong magdasal para sa kanyang paggaling at para sa kalusugan ng kanyang pamilya," dagdag ni Montales.
Sinasabing ika-12 na fatality ang katrabaho ng bagong kaso, na nakaranas ng lagnat at ubo noong ika-29 ng Pebrero.
Nakitaan din ng "community acquired pneumonia" ang nasabing House employee.
Ika-13 ng Marso nang ianunsyo ng Kamara ang panibago nilang work arrangements, na magiging rotational skeletal workforce, work from home o on-call.
Senado may kaso na rin
Sa kabilang bahagi naman ng lehislatura, kahapon lang nang kumpirmahin ni Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri na nagpositibo siya sa COVID-19.
Si Zubiri ang unang national elected offical na tinamaan ng sakit sa Pilipinas.
"Kumuha ako ng test noong Biyernes habang naka-self-quarantine... tapos nakakuha ako ng tawag mula kay [Health] Sec. [Francisco] Duque [III] tungkol sa kondisyon ko," banggit ng senador.
Pero paliwanag ni Zubiri, "asymptomatic" siya, o hindi nagpapakita ng anumang sintomas ng sakit. Hindi rin naman daw siya nanghihina o nakararamdam ng sakit ng ulo.
Sa huling tala ng Department of Health, nasa 142 na ang tinatamaan ng COVID-19 habang 12 na ang namamatay.
Hindi pa naman klaro kung kasama na o hindi pa sa 142 ang panibagong kaso mula sa Kamara.
- Latest