Aktibidad sa Mahal na Araw sinuspinde
Pagkakape pinatitigil sa online mass
MANILA, Philippines — Ipinahayag kahapon ng mga obispo sa Metro Manila na suspendido ang mga pagdaraos ng banal na misa at mga aktibidad kaugnay ng Mahal na Araw sa kalakhang Maynila hanggang Abril 14.
Maaari na lang munang makinig at manood ng mga misa sa internet at telebisyon at radyo.
“Tatalima kami sa direktiba ng pamahalaan na suspindihin ang malakihang mga pagtitipon mula Marso 15 hanggang Abril 14. Kaya walang selebrasyon ng Banal na Misa na merong maraming pagtitipon ng mga tao sa panahong ito at ibang relihiyosong aktibidad sa panahon ng kuwaresma na karaniwang dinadaluhan ng napakaraming mananampalataya,” sabi ng Catholic Bishop Conference of the Philippines sa kanilang pastoral letter.
Itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 12 ang Code Red Sublevel 2 sa Metro Manila kasabay ng pagsasailalim sa Metro Manila sa community quarantine mula Marso 15 hanggang Abril 14. Ipinagbawal din niya ang malakihang mga pagtitipon ng mga tao.
Sinabi pa ng mga obispo na saklaw ng lockdown ang Mahal na Araw na nangangahulugan na sarado sa publiko ang mga misa para sa Palm Sunday at Eastern Sunday.
Nauna rito, nagbigay ng tip si Auxiliary Biship Broderick Pabillo, Archdiocese of Manila administrator, sa pagmamantini ng kabanalan ng Banal na Misa na isinasagawa sa pamamagitan ng internet.
Ipinayo niya, “Huwag uminom ng kape habang nanonood ng misa sa internet.” Pinayuhan din niya ang mga Katoliko na magbasa ng Bibliya bago manood ng misa.
Wala ring pampublikong pagbabasbas sa mga palaspas,, Visita Iglesia, Siete Palabras, prusisyon sa Biyernes Santo at salubong sa Pasko ng Pagkabuhay.
Nanawagan din siya sa mga mananampalataya na magrosaryo, magtika, magdasal at mag-ayuno sa Marso 20, 27 at Abril 3, Biyernes Santo.
- Latest