^

Bansa

ALAMIN: Mga exempted sa 'entrance-exit ban' sa Metro Manila

James Relativo - Philstar.com
ALAMIN: Mga exempted sa 'entrance-exit ban' sa Metro Manila
Kahabaan ng EDSA, na nagsisilbing pangunahing kalsada papasok at palabas ng Metro Manila.
The STAR/Boy Santos, File

MANILA, Philippines — Bagama't ibinaba ang "community quarantine" at Code Red Sublevel 2, marami pa ring pwedeng maglabas-masok ng Metro Manila sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Marami kasing umusbong na katanungan nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbabawal ang "domestic" na mga biyahe mula at papunta sa Kamaynilaan mula ika-14 ng Marso hanggang ika-15 ng Abril para mapigigan ang pagkalat ng sakit.

Sa panayam ng "Umagang Kay Ganda," inilinaw ni Interior Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na hindi absoluto ang de facto "lockdown" na nangyayari sa National Capital Region ngayon.

Narito ang mga lusot sa resolusyong itinakda ng Inter-Agency Task Force on the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID):

1) Nakatira sa labas ng Metro Manila ngunit nagtratrabaho roon

Bago makapasok, hihingian ng company ID ang mga empleyado/manggagawa.

Ang mga nasabing identification cards ay kailangang iharap sa mga itatalagang checkpoint ng pamahalaan.

Para sa mga walang company ID ngunit kailangang magtrabaho sa loob ng Metro Manila, tinatalakay pa ng gobyerno ang mga kakailanganganin, ani Malaya.

2) Pilipinong may trabaho sa Tsina

Papayagan lumabas ng Pilipinas ang mga overseas Filipino workers (OFWs), maliban sa ilang lugar na matinding pagkalat ng COVID-19.

"Ang mga Balik-manggagawa [OFWs] ay papayagang makapunta ng mainland China, maliban sa Hubei Province,  matapos nilang ideklara ang pag-intindi sa mga peligro," paliwanag ni Duterte.

Sa Probinsya ng Hubei, partikular sa Wuhan City, nagsimula kumalat ang nasabing virus. Dahil dito, nagpapatupad ng travel ban ang Pilipinas papuntang Tsina.

Bibigyan din muna ng health advisory pamphlet ang mga naturang OFW bago umalis.

3) Magba-biyahe ng pagkain

Inilinaw din ng DILG na hindi pipigilan o haharangin ang pagta-transport ng sari-saring pangangailangan mula at papuntang probinsya.

"Ang paglabas-masok ng goods at pagkain papunta at mula Metro Manila ay hindi pipigilan," dagdag pa ni Malaya sa hiwalay na pahayag kanina.

4) Nakatira sa ibang bansa pero babiyahe pa-Maynila

Papayagan ang pagpasok na ito, ngunit hindi sila pwedeng lumabas ng Metro Manila. Mananatili ring bukas ang Ninoy Aquino International Airport.

Sa kabila nito, hindi pwedeng pumasok ng Pilipinas ang mga manggagaling sa mga bansang may documented "local transmission" ng COVID-19.

"Ang entry travel restrictions ay ipapataw sa mga babiyahe mula sa mga bansang may localized COVID-19 transmissions, maliban na lang sa mga Filipino citizens kasama ang kanilang asawa't anak, basta't may Permanent Resident Visa," sabi ni Duterte kagabi.

Ang local transmission ay tumutukoy sa paghahawaang nangyayari sa loob mismo ng bansa.

5) Nakatira overseas na may Metro Manila flights pero sa probinsya mananatili

Makapapasok sila ng Pilipinas, ngunit hindi makakapasok sa pamamagitan ng NAIA.

"Para sa mga kailangang lumipad patungong probinsya, papasok sila sa pamamagitan ng Clark International Airport at iba pang paliparan sa labas ng Metro Manila," paliwanag naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, Biyernes.

Mga bawal at hindi malinaw

Sa ngayon, tiniyak ni Malaya na hindi papayagan ng gobyerno ang pagbiyahe papunta sa Metro Manila kung wala itong kinalaman sa trabaho.

Bawal muna ang mga "non-essential travel" lalo na't nais limitahan ng gobyerno ang agos ng tao papasok at papalabas ng NCR.

Sa kabila ng paghihigpit, inilinaw ni Malaya na "hindi nagpapatupad ng total lockdown" sa Kamaynilaan.

"Bagama't tinitignan na valid preventive measure ang total lockdown, hindi hinihingi ng mga kasalukuyang sirkumstansya ang mga nasabing 'extreme course of action,'" wika pa niya.

Maglalabas naman daw ang Office of the President ng guidelines bukas upang makapaglinaw.

Hindi pa rin malinaw kung papayagang mag-cover ang mga Metro Manila-based journalists sa mga ibang bahagi ng Pilipinas.

Kasalukuyan namang lumilikom ng mga katanungan ang Department of Health mula sa publiko upang masagot ang mga kalituhang idinulot ng deklarasyon.

Usapin ng checkpoints

Magtatalaga ng mga checkpoint upang kontrolin at harangin at ang mga naglalabas-masok sa Metro Manila.

"Sa mundo ng mga dapat," iisa-isahin daw sabi ni Malaya ang mga pribadong sasakyan upang tiyakin kung papayagan o hindi ang mga nais pumasok o lumabas ng Kamaynilaan.

Isa-isa namang papasukin ng mga kawani ng Philippine National Police ang mga bus upang tiyakin kung papayagan o hindi pumasok ang mga pasahero.

Ngayong araw pa lang plaplantsahin sa isang pulong sa Camp Crame kung saan ilalagay ang mga nabanggit.

Aminado ang gobyerno na "logistical nightmare" ito, ngunit kailangan daw ang mga "drastic measures" upang mapigilan ang posibleng "75,000 bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas."

CODE RED SUBLEVEL 2

EXPLAINER

JONATHAN MALAYA

LOCKDOWN

METRO MANILA

NOVEL CORONAVIRUS

RODRIGO DUTERTE

TRAVEL BAN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with