Tricycle ban, ‘maka-mayaman’ - solon
MANILA, Philippines — Binansagan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na “maka-mayaman, mapang-api sa mahihirap” ang ‘Memo Circular’ ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa mga traysikel sa mga pambansang lansangan.
Sa House Resolution 748 na inihain niya sa House Transportation Committee, hiniling ni Salceda na bawiin ng DILG ang Memo Circular 2020-036 nito na tinagurian niyang “hindi patas at hindi papasa sa anumang pamantayan ng katwiran, lohikong batay sa mga datos, ‘socio-economic justice’ at ‘local autonomy.’”
Ayon kay Salceda, nagbabayad ang mga traysikel ng ‘road users tax’ na umaabot sa P1.2 bilyon taun-taon, ‘excise tax’ at VAT sa gasoline na umaabot din sa P52 bilyon kada taon na nagiging bahagi ng malaking badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na halos ay P650 bilyon.
Sa report ng World Health Organization at Land Transportation Office noong 2017, pinuna ni Salceda na higit na ligtas ang sumakay sa traysikel kaysa ibang sasakyan.
“Sa 7,023,529 rehistradong traysikel at motorsiklo, nagkaroon ng 5,970 namatay sa aksidente katumbas ng 0.085%, ngunit sa rehistradong 3,994,326 ibang sasakyan, 11,264 ang naitalang namatay sa aksidente na katumbas ng 0.282%,” wika pa niya.
- Latest