Golf course sa Mandaluyong isinara nang 'mag-positibo' sa COVID-19 ang guest
MANILA, Philippines (Update 1, 10:37 a.m.) — Isinara muna sa publiko ang isang primyadong golf club sa Lungsod ng Mandaluyong simula Miyerkules matapos daw magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang isa nilang guest.
Ayon sa ilang media reports, isang banyagang bisita ng Wack Wack Golf and Country Club ang nagpositibo sa sakit matapos umuwi sa Singapore.
Nagpadala raw ng liham ang club noong Martes sa kanilang mga miyembro at sinabing pansamantala muna itong isasara "until further notice."
Kinumpirma na rin ng golf course sa panayam ng Philstar.com ang closure, ngunit tumangging magbigay ng karagdagang detalye.
Kinumpirma na rin ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong ang pagsara sa golf club para sa disimpeksyon.
Sa liham, sinabi ni Wack Wack president Lawrence Tan na "pagkakataon ito upang i-disinfect at linisin ang lugar, at para siguruhing ligtas ang club para sa ating lahat," saad ng report ng Inquirer.net kaninang umaga.
Umabot na sa 33 ang nagpopositibo sa nakamamatay na COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health kahapon. Isa pa lang ang namamatay dito sa Pilipinas hanggang ngayon.
Sinasabing "stable" na ang kondisyon ng ika-21 hanggang ika-24 COVID-19 patient, hindi nagpapakita ng sintomas (asymptomatic) ang ika-25 at ika-26 na pasyente habang hinahabol pa ang status ng ika-27 hanggang ika-33.
Marami sa mga pasyente ay kasalukuyang naka-confine sa ilang ospital sa mga lungsod ng Taguig, Pasig, Muntinlupa, Makati, Maynila, Caloocan, Quezon City, at New Clark City sa Capas, Tarlac.
Tinitiyak naman ng DOH na patuloy pa rin ang "contact tracing" para sa lahat ng mga kaso.
Katuwang pa rinn nila ang Philippine National Police para matukoy ang malalalapit at nakasalamuha ng mga cases.
Una nang iminungkahi ni Rosario Vergeire, assistant secretary ng public health services team ng DOH, na sumailalim sa 14-day self-isolation at home quarantine ang mga magpapakita ng "mild symptoms," lalo na sa mga may nakasamang positive cases at lumabas ng bansa kamakailan.
Ilan sa mga karaniwang sintomas ng COVID-19 ang ubo, sipon at lagnat.
"'Yung mga nagpapakita ng malubha at kritikal na sintomas, agad na dapat isugod sa ating health facilities," sabi niya sa Inggles.
- Latest