Chopper crash: PNP Chief Gamboa, 7 pa sugatan
MANILA, Philippines — Sugatan si Philippine National Police (PNP) chief Police General Archie Francisco Gamboa kasama ang pito pa nang mag-crash ang sinasakyang helicopter sa Laguna, kahapon ng umaga.
Agad isinugod sa Westlake Medical Center sa bayan ng San Pedro si Gamboa at inilipat sa St. Luke’s Hospital sa Bonifacio Global City, Taguig.
May injury sa kanyang kanang balikat si Gamboa ngunit nasa stable na kondisyon na ito.
Bukod kay Gamboa, sakay din ng chopper sina PNP spokesperson P/Brig. General Bernard Banac, PNP Director for Comptrollership Police Major General Jovic Ramos; Director for Intelligence Police Major General Mariel Magaway, Police Lt/Colonel Zalatar; Police Lt./Colonel Macawili, co-pilot; Police Senior Master Sergeant Estona, crew at Police Captain Gayrama, aide-de-camp ni Gamboa.
Nasa kritikal na kondisyon sina Magaway at Ramos habang maayos na ang lagay ng iba pa.
Kinumpirma ni Dr. Elvis Bedia, presidente ng Unihealth Southwoods Hospital sa Biñan, Laguna na comatose na nang dumating sa ospital sina Ramos at Magaway matapos bumagsak ang Bell 429 twin engine helicopters.
Sinabi ni Bedia, kapwa nagtamo ng mga sugat sa ulo at mukha ang dalawang police generals.
Sa ngayon, nagkamalay na si Magaway na inilipat na sa Asian Hospital.
Si Ramos na lamang ang wala pang malay at nananatiling comatose.
Pinakamatindi ang tama ni Ramos na nagkaroon ng fracture sa mukha at kailangang operahan.
Naiwan pa sa ngayon sa UniHealth si Ramos at sa sandaling mag-stable na ang kaniyang kondisyon, ililipat na rin siya sa ospital sa Metro Manila.
Sa magkahiwalay na panayam, sinabi ni Laguna Police chief Police Lt./Colonel Serafin Petalio na sumabit sa isang wire ang chopper dahil hindi makita ang lugar dahil sa alikabok.
Aniya, nakita niyang nagliliyab ang chopper at nahati sa dalawa dahil sa crash.
Lumilitaw na nagkaroon ng media presentation sa lugar na ginagamit na impounding area ng Highway Patrol Group at palipad na sana patungong bayan ng Calamba ang grupo nang maganap ang aksidente.
Una rito, sinabi ni Deputy Director Gen for administration Lt. Gen. Camilo Cascolan na sina Ramos at Magaway ang nakaupo sa left side ng chopper kung saan ito ang bahagi na may malakas na impact ng bumagsak ang chopper.
Nagdarasal naman ang mga pulis sa Kampo Crame para sa agarang ikagaling ni PNP chief at ng iba pang mga opisyal ng PNP.
Dalawang taon pa lamang ang bumagsak na Bell 429 twin-engine rotary wing aircraft na may tail number RP 3086. Taong 2018 ng ideliver ito sa PNP.
Ito ang nag-iisang brand new 8-seater chopper ng PNP.
Kaugnay nito, ‘grounded’ muna ngayon ang lahat ng buong PNP fleet rotary-wing aircraft.
Ayon kay Police Community Relations Group at acting PNP spokesperson M/Gen. Benigno Durana, iimbestigahan nila ang insidente.
Sinabi ni Durana, kanilang isinasaalang-alang ang kaligtasan ng kanilang pinuno.
Samantala, pansamantalang pamumunuan ni Gen. Cascolan ang PNP bilang officer-in-charge.
- Latest