Duterte: Wala pang worthy mag-presidente sa mga pulitiko ngayon, baka bigla ako mamatay
MANILA, Philippines — Duda si Pangulong Rodrigo Duterte kung may maaari nang humalili sa kanyang pwesto oras na lisanin niya ang pagiging head of state ng Republika ng Pilipinas.
Sinabi ito ni Digong sa isang talumpati kahapon matapos manumpa ng ilang bagong talagang opisyales ng gobyerno sa Rizal Hall ng Malacañan Palace.
"Frankly, wala akong nakita na pwede talagang maging presidente," sabi ni Duterte, Miyerkules.
Wala pa raw nakikita si Pres. Duterte na pulitikong uubra na maging susunod na pangulo. Sinabi rin ni Duterte na hindi dapat takot mamatay at pumatay ang sinumang gustong tumakbo para sa posisyon. pic.twitter.com/0LcT9L7oxn
— News5 AKSYON (@News5AKSYON) March 4, 2020
Aniya, 74-anyos na raw kasi siya at maaaring malagutan ng hininga anumang oras.
Pero bagama't maraming pumapasok sa pulitika sa murang edad, hindi pa raw niya makita kung sino ang karapat-dapat na humalili sa kanya.
"[A]ng tatanda na... natin. Tayo, we are just a heartbeat away. 'Pag huminto itong pitik dito sa [puso ko]... We're getting old and you know, the young are there. Wala pa akong nakita na new crop of politicians dito sa ating bayan ngayon," dagdag niya.
"That’s why I am scared. I’m scared for the next generation. Iyong mga apo natin, ‘yon ang pinoprotektahan ko. Hindi lang alam ng ano."
Maliban sa siya ang pinakamatandang nailuklok na presidente sa kasaysayan ng Pilipinas, kilala si Duterte sa pag-inda ng iba't ibang isyu sa kanyang kalusugan.
Ilan na riyan ang sakit na myasthenia gravis, Barett's esophagus, Buerger's disease at sari-sari pang injuries.
Oktubre taong 2019 naman nang madisgrasya habang sakay ng motorsiklo si Duterte, dahilan para magkaroon siya ng mga pananakit ng katawan.
Sa kabila nito, sinabi ng presidente na titigil lang siyang magmotor kapag patay na siya.
'Dapat kayang pumatay'
Upang mapanatag daw ang kanyang kalooban, dapat may "killer instinct" ang papalit sa kanya.
"Alam mo sa totoo lang, presidente ka, hindi ka marunong pumatay at takot kang mamatay, eh huwag ka na mag-presidente," banggit pa niya.
"Kung puro utos ka lang, in the end, ikaw pa 'yung kontrabida. Ikaw na ‘yung gumawa para ikaw talaga ang bida."
Hindi pa nananalong presidente si Duterte ay inuulit-ulit na niya ang nasabing retorika, gaya noong 2016 presidential debates: "Kung hindi ka marunong pumatay ng tao at takot kang mamatay, 'yan ang problema. You cannot be a president."
Tulad ng nasabi na niya noon, wala pa rin daw siyang pakialam sa mga extrajudicial killings, at papatayin pa rin ang sinumang "sisira" ng kanyang bansa.
Hulyo 2019 nang aprubahan ng United Human Rights Council ang resolusyong nagpapasimula ng "comprehensive" review pagdating sa gera kontra droga ni Duterte, na kumitil na sa buhay ng libu-libong Pilipino. — may mga ulat mula sa News5
- Latest