Reclamation susi sa magarang Sangley Airport
MANILA, Philippines — Matagumpay na karanasan ng ibang mga bansa gamit ang reclamation ang modelo ng nakakasang Sangley Point International Airport na inaasahang solusyon sa pagkakabuhol-buhol ng flights sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa dumaraming pasahero at biyahe ng mga eroplano.
Gayunman, aabot sa 1,400 ektarya ng lupa ang kailangang idagdag sa Sangley Point sa pamamagitan ng reclamation para maitayo ang kabuuan ng SPIA.
Sa ilalim ng joint venture agreement ng Cavite Provincial Government at ng pribadong sektor, ang gobyerno ang magsasagawa ng reclamation samantalang ang huli ang magtatayo ng airport at iba pang mga pasilidad.
Marami sa mga pinakamalalaking airport sa mundo, tulad ng Changi Airport ng Singapore, na muling napili nitong 2019 sa ika-pitong sunod na taon bilang World’s Best Airport, ay itinayo sa reclaimed land.
At kasabay nito, isinusulong ngayon ang panukalang 420-hectare reclamation project ng Bacoor City na maaring pagkunan ng karagdagang lupain at mga pasilidad na kinakailangan upang suportahan ang operasyon ng SPIA. Dumaan na sa kinakailangang proseso at dokumentasyon ang nasabing government project.
At dahil higit-kumulang na 30 kilometro lamang ang layo ng Bacoor sa Sangley Point at mga 20 kilometro mula sa NAIA, maaaring ang proposed Bacoor reclamation na ang pinakamabilis na solusyon sa gagawing connector roads sa dalawang airport.
Ang Bacoor reclamation ay may mga lugar na para sa residential, commercial, hotel, public recreation, turismo at maging Science Park. Tinatayang malaking porsiyento ng mga darating na pasahero sa SPIA ay kayang tanggapin ng Bacoor.
Maganda rin umanong lugar ang Bacoor reclamation para sa mga lokal at dayuhan investors na ang mga negosyo ay gagamit ng serbisyo ng SPIA o NAIA.
Inaasahan ng mga lokal na lider ng Bacoor na dahil sa ipinapanukalang reclamation project, magiging isang bagong growth center ang lungsod at magbubunga ng tinatayang 700,000 bagong trabaho para sa mga residente nito maging mga kalapit na lugar.
- Latest