^

Bansa

Ex-DOJ secretary Aguirre iniugnay ni Mon Tulfo sa 'pastillas' modus sa immigration

Philstar.com
Ex-DOJ secretary Aguirre iniugnay ni Mon Tulfo sa 'pastillas' modus sa immigration
Itinanggi naman ni Aguirre ang mga paratang ni Tulfo, na pakakasuhan na raw uli dahil sa pagkakalat ng "kasinungalingan."
Mula sa Facebook account ni Ramon Tulfo; The STAR/Miguel de Guzman, File

MANILA, Philippines — Pinasinunganingan ng dating kalihim ng Department of Justice ang paratang ng isang media practitioner na may kinalaman siya sa diumano'y katiwalian sa loob ng Bureau of Immigration.

"Base po sa sinabi sa 'kin ni Mr. Chiong, siya po 'yung protector ng sindikato, si former Secretary [Vitaliano] Aguirre," sabi ni Ramon Tulfo sa pagdinig ng Senado, Lunes.

Tinutukoy niya ang isang Allison Chiong, na itinuturing na whistleblower kaugnay ng nasabing modus operandi.

Pebrero nang ilantad ni Sen. Risa Hontiveros ang suhulang nangyayari raw sa BI upang madaling makapasok ang ilang Chinese nationals sa Pilipinas kapalit ng P10,000 "service fee."

Banggit pa ng media personality, na dating special envoy to China, si Aguirre raw mismo ang naglagay kina Maynardo at Red Mariñas upang pangasiwaan ang visa upon arrival system sa bansa.

"Mag-ama po sila. Ewan ko kung bakit wala 'yung protektor nila si dating Justice secretary Aguirre. 'Yun po ang sinabi sa akin ni Mr. Chiong," sabi pa ni Tulfo.

Dating hepe ng Ports Operation Division si Red habang nangunguna naman sa Special Operations Communications Unit ang ama niyang si Maynardo, sabi ni Hontiveros.

Paglalantad pa ni Chiong, isang dating Immigration Officer 1, hindi na pinadadaan sa karaniwang proseso ng BI ang ilang "Chinese casino high-rollers" at "offshore gaming workers" dahil sa suhulang pastillas.

Ipinangalan sa minatamis na milk candy ang nasabing bigayan ng pera dahil ibinabalot daw ito sa bond paper imbis na ilagay sa envelop.

Dagdag pa niya, hindi na dumadaan sa questioning at imbestigasyon ang mga Tsino basta't ipasa sa pamamagitan ng messaging app na Viber ang kani-kanilang pangalan.

Ilang beses nang nadawit sa kontrobersiya si Tulfo, tulad nang pagtawag niya noong "tamad" sa mga Pilipinong construction workers at pagsabi niyang nais niyang ipapatay ang ilang kawani ng Phivolcs.

'Sinungaling si Tulfo'

Itinanggi naman ni Aguirre ang mga paratang ni Tulfo at tinawag itong mga "kasinungalingan."

"Ang mga reklamo ni Tamon Tulfo ay pawang kasinungalingan at gawa-gawa lamang," sabi niya sa Inggles sa panayam ng Philstar.com.

Susulat naman daw siya kay Hontiveros, na chair ng Senate committee on women, children, family relations and gender sexuality, na imbitahan siya upang personal na sagutin ang mga akusasyon.

"Maghahain uli ako ng mga kaso laban kay Tulfo," dagdag niya pa.

Una nang sinampahan ng kasong libelo ni Aguiree si Tulfo dahil sa mga "mapanirang paratang" dalawang taon na ang nakalilipas.

Inihain daw ang mga ito sa regional trial courts ng Maynila.

"Kahit saan, kaya kong harapin ang sinuman dahil inosenteng-inosente ako sa mga reklamong 'yan," banggit niya pa.

Abril taong 2018 nang tanggapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw ni Aguirre, kanyang brod sa fraternity, bilang kalihim ng DOJ, matapos humarap sa ilang kontrobersyal na kaso.

Hunyo noong kaparehong taon, nanomina naman siya sa board ng Social Security System. — James Relativo at may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag

BUREAU OF IMMIGRATION

CHINESE NATIONALS

PASTILLAS MODUS OPERANDI

POGOS

RAMON TULFO

VITALIANO AGUIRRE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with