Pinay sa Singapore ika-86 OFW na may COVID-19 overseas, ani DOH
MANILA, Philippines — Patuloy pa rin ang pagdami ng mga Pilipinong tinatamaan ng nakamamatay na Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), pagkukumpirma ng gobyerno, Lunes.
Sa isang press briefing sa Malacañang, kinumpirma ng Department of Health na tumuntong na sa 86 ang tinamaan ng karamdaman, na pumatay na sa libu-libo sa iba't ibang bansa.
"Ang pinakabagong kaso ay isang 41-anyos na Pilipinang ipinasok sa isang health facility sa Singapore," ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire sa Inggles.
Narito ang breakdown at estado ng mga overseas Filipino workers na kumpirmadong nagkaroon ng COVID-19:
Japan
- 48 (nasa ospital)
- 32 (pinalabas na)
Hong Kong
- 1 (nasa ospital)
- 1 (pinalabas na)
Singapore
- 1 (nasa ospital)
- 1 (pinalabas na)
United Arab Emirates
- 2 (nasa ospital)
LOOK: @DOHgovph data on Filipino workers with COVID-19 @PhilippineStar @PhilstarNews pic.twitter.com/psV8ZLTx9r
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) March 2, 2020
Ayon naman kay Foreign Affairs Assistant Secretary Ed Meñez, nasa 3,736 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa South Korea habang 18 na ang namatay dahil dito.
Sa Italya naman, 1,694 na ang tinamaan ng COVID-19, 34 dito ay sinasabing namatay na. Sa Iran, nasa 974 na ang nagkaroon na ng sakit habang 54 sa kanila ang namatay na.
Wala pa namang Pilipinong persons under monitoring (PUM) at patients under investigation (PUI) sa tatlong bansa.
Sa tala ng gobyerno, nasa 60,139 ang Pilipinong nasa South Korea, 161,885 sa Italya at 1,181 sa Iran.
"Hindi tayo pwedeng maging kumpyansa at magbaba ng ating mga depensa," sabi naman ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa isang briefing.
PUIs bumababa
Samantala, ikinatuwa naman ni Vergeire ang patuloy na pagbaba ng mga Pilipinong sinusuri kaugnay ng COVID-19.
Tinatayang nasa 592 na ang napauwi mula sa iba't ibang ospital, bagay na "welcome news" daw.
Samantala, nasa 458 pang Pinoy ang naka-quarantine ngayon sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Sa mga naka-quarantine, 14 ang sinasabing nagpapakita ng iba't ibang sintomas ng "repiratory illness":
- pananakit ng lalamunan (10)
- ubo (3)
- lagnat (1)
"Sampu sa kanila ang nag-negatibo na habang hinihintay pa ang apat na laboratory results na ilalabas ngayong araw," dagdag ni Vergeire.
Nasa 10 OFWs din, na unang nag-positibo sa COVID-19 sa virus-hit MV Diamond Princess sa Japan, ang iniuwi na ng Pilipinas matapos mag-recover.
'Hindi kinakailangang pagbiyahe iwasan'
Pinaiiwas pa rin ng Bureau of Immigration ang lahat ng mga Pilipino sa pagbiyahe sa ibang bansa kung hindi naman kinakailangan.
Nangako naman na raw ang South Korea na maglalabas ng certification upang malaman ng Pilipinas kung sinu-sino ang mga bumisita sa mga apektadong lugar ng COVID-19 sa kanilang bansa. Nauna nang pinagbawal ng Pilipinas ang pagpasok ng mga turistang nanggaling sa North Gyeongsang sa South Korea noong nakaraang linggo.
"I'm pretty sure may mga kababayan tayong nag-iisip na umuwi na," banggit naman ni Meñez tungkol sa mga OFW sa Italya at Korea.
Nakatakda namang magpulong ang task force on infectious diseases bukas upang pag-usapan ang isyu ng travel restrictions. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico at The STAR/Alexis Romero
- Latest