Walang pulitika kay Rep. Garin sa Dengvaxia case
MANILA, Philippines — Walang pulitika sa pagsasampa ng kaso kay Rep. Janette Garin sa isyu ng Dengvaxia.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Salvador Panelo lalo pa’t nakitaan ng probable cause ng Department of Justice (DOJ) prosecutors para idiin si Garin at siyam na iba pa sa kasong reckless imprudence resulting in homicide dahil sa pagkamatay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Panelo, kailanman ay hindi nagkaroon o nahaluan ng pulitika ang mga kasong nakabinbin sa hudikatura.
Sinabi pa ni Panelo na maaring nakakita ng probable cause ang korte kung kaya itinuloy ang demanda kay Garin.
“That’s for the court to decide. Basta nasa Korte na, wala kami diyan. We will not interfere. Let the court do its work,” sinabi pa nito.
Ayon kay Panelo, hahayaan ng Palasyo ang korte na magdesisyon sa kaso ni Garin. Hindi aniya makikialam ang Palasyo sa trabaho ng korte.
Una rito, sinabi ni Garin na haharapin niya ang asunto subalit nakiusap sa korte na dapat na ibase sa siyensya at hindi sa pulitika ang kaso.
- Latest