Ex-mayor, 9 pa kinasuhan ng transport group
MANILA, Philippines — Isinampa kamakailan ng grupong Common Transport Service Cooperative sa Ombudsman ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 at grave misconduct, oppression at acts prejudicial to the best interest of the service laban kina dating Rodriguez, Rizal Mayor Cecilio Hernandez at siyam pa katao.
Sinabi ng kinatawan at general manager ng naturang grupo na si Deltha Bernardo na nag-ugat ang kaso sa umano’y panggigipit sa kanila ng mga akusado nang lumabas ang kanilang 15 unit ng modern jeep sa ilalim ng PUV Modernization Program ng Department of Transportation.
Ayon kay Bernardo, sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakabili sila ng isang lupain na ginawang terminal at garahe sa San Isidro, Rodriguez. May hawak umano silang dokumento, kontrata at titulo ng lupa ng nagmamay-ari nito.
Pero pinalalabas umano ni Hernandez na pag-aari niya ang ginawang terminal ngunit wala umanong maipakitang dokumento.
Hindi rin umano sila mabigyan ng permit ng kasalukuyang mayor na anak ng dating alkalde.
Idinagdag pa nito na tila mas pinaboran umano ng dating alkalde ang mga colorum na PUV sa Rodriguez.
- Latest