Trillanes, 10 pa pinaaaresto!
MANILA, Philippines — Pinaaaresto ng Quezon City Metropolitan Trial Court si dating senador Antonio Trillanes IV at 10 iba pa.
Kaugnay ito ng kasong conspiracy to commit sedition na isinampa ng Department of Justice (DOJ) na may kaugnayan sa viral video na “Ang Totoong Narcolist” kung saan nakasaad umano ang planong pagpapabagsak sa gobyernong Duterte.
Kabilang din sa ipinapaaresto ni QC MTC Branch 138 Judge Kristine Grace Suarez sina Peter Jomel Advincula alias Bikoy, dating Police Sr. Supt. Eduardo Acierto, Joel Saracho, Boom Enriquez, Yolanda Ong, Vicente Romano III, Father Albert Alejo, Father Flaviano Villanueva, Jomel Sanggalang at isang “Monique”.
Inirekomenda naman ng korte ang piyansang P10,000 bawat isa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Tanging ang dalawang pari na sina Fr. Villanueva at Fr. Alejo ang agad nakapag-piyansa sa korte kaugnay ng sedition case.
Sa ilalim ng batas, ang sabwatan para gawin ang pag-aalsa sa gobyerno ay may parusang hanggang 4 taon.
Hindi pa raw natatanggap ng kampo ni Advincula ang arrest warrant samantala kasalukuyan namang wala sa Pilipinas si Trillanes at sinabing maghahain siya ng piyansa sa darating na linggo pagdating ng Maynila.
Ang video ay may kinalaman sa testimonya ni Bikoy na may pamagat na “Ang Tototong Narcolist” kung saan iniuugnay ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga.
- Latest