'Notice of termination' ng VFA pirmado na; Senador sinabing papabor ito sa Tsina
MANILA, Philippines — Pormal nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas na ng notice sa Estados Unidos patungkol sa pagtatapos ng Visiting Forces Agreement.
Sa isang press briefing Martes, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na inutusan na ni Duterte si Executive Secretary Salvador Medialdea si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na ipadala na ito sa Amerika.
"Inutusan ng presidente si Executive Secretary Salvador Medialdea na ipaabot kay... Locsin... na ipadala ang notice of termination sa gobyerno ng Amerika kagabi," ani Panelo sa Inggles.
"[I]pinadala na ng executive secretary ang mensahe kay Secretary Teddyboy Locsin at pinirmahan ang notice of termination at ipinadala ito sa US government ngayong araw."
Kinumpirma na rin 'yan ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay sa Twitter. Mananatiling epektibo ang VFA 180-araw matapos itong matanggap ng Amerika.
Kinakailangan ang nasabing abiso para tapusin ang military agreement, na nagbibigay linaw sa pag-ikot ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas, at tropang Pilipino sa Estados Unidos sa ngalan ng kooperasyong militar at seguridad.
Kalakip ng kasunduan ang pagsusuko ng jurisdiction ng Pilipinas sa mga sundalong Amerikano oras na lumabag sila sa batas ng Pilipinas, at pagbibigay laya sa kanila na tumuntong ng bansa kahit na walang pasaporte o visa.
Pumutok ang pagbawi ni Duterte sa VFA matapos kanselahin ng Amerika ang US visa ni Sen. Ronald dela Rosa at diumano'y pangingialam ng mga senador ng nasabing bansa sa isyu ng karapatang pantao at pagkakakulong ni Sen. Leila De Lima.
Una nang sinabi ng mga progresibong grupo na sana'y soberanya ang dahilan ng pagbawi ng VFA at hindi visa ni Dela Rosa.
Pabor sa Tsina?
Hindi naman nagustuhan ng ilang senador ang aksyong ito ng ehekutibo.
Ayon kay Sen. Francisco "Kiko" Pangilinan, primaryang makikinabang sa pagkakansela ng VFA ang Tsina.
"[H]indi na ito nakagugulat lalo na't napakaamo at masunurin ng administrasyon sa Tsina hindi lang pagdating sa soberyanya ngunit pagdating sa isyu ng public health at kaligtasan," sabi ni Pangilinan.
Pinariringgan niya ang tagal ng pagdedeklara ng travel ban ni Duterte sa Tsina, kung saan nagmula ang 2019 novel coronavirus.
Bukod pa rito, ipinunto ng senador na magiging balido lang ang nasabing notice kung may concurrence (pagsang-ayon) dito ang Senado.
"Kailangang igiit ng Senado ang kanilang papel na ibinibigay sa kanila ng Saligang Batas pagdating sa pagco-concur sa pagtatapos nito bago ito mapatupad," sabi pa niya.
Matatandaang niratipikahan ng Senado ang VFA noong 1999, ngunit tinitignan lang ito bilang "executive agreement" ng Amerika, na hindi nangangailangan ng pag-apruba ng US Senate.
Una nang sinabi ni Locsin na tinatrato ng Pilipinas ang VFA bilang isang tratado, habang itinuturing itong executive agreement ng Amerika.
Ayon sa Article VII Section 21 ng 1987 Constitution:
"No treaty or international agreement shall be valid and effective unless concurred in by at least two-thirds of all the Members of the Senate."
'Epekto sa seguridad'
Sa panig naman ni Sen. Panfilo Lacson, maaaring maapektuhan ng pagkakansela ng VFA ang kasunduan ng Amerika at Pilipinas sa pagdedepensahan.
"Ang tiyak ay magiging pirasong papel na lang ang 1951 PH-US Mutual Defense treaty sa isip ng Amerika," sabi ni Lacson.
Babala niya, mawawalan na raw ng pagpapabahagian ng intelligence information pagdating sa laban kontra terorismo sa Pilipinas at ibayong dagat.
"[W]ala na ring US military aid at podong aabot sa 52% ng kabuuang ibinibigay nila sa Asia-Pacific region," dagdag pa ng senador, na dating hepe ng Philippine National Police.
Kasama raw sa maaaring madamay ay ang mga "intagible economic benefits" at seguridad na maibibigay sa pagdedepensa sa West Philippine Sea, na pinag-aagawan ng Pilipinas at Tsina.
Labas diyan, namemeligro rin daw ang ilang pagkukunan ng bansa ng mga ayuda tuwing may mga sakuna, epidemya at iba pang krisis. — James Relativo
- Latest