LGUS na haharang sa Tarlac quarantine binalaan ng DILG
MANILA, Philippines — Binalaan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III ang sino mang Local Government Units (LGUs) na haharang o tatanggihan ang mga darating na mga Pinoy workers galing China at isasailalim sa ‘quarantine’ sa Athletes’ Village sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
“Ang sinumang mga lokal na opisyal na haharang sa kautusan ng ating Pangulong Rodrigo Duterte ay papatawan ng sanctions at may kaakibat po ‘yan na administrative, baka may criminal side pa ‘yan,” sabi ni Densing.
Ayon kay Densing, walang dapat na ikatakot ang mga residente sa Capas, Tarlac, kung gagamiting ‘quarantine zone’ ng mga Pinoy na galing Hubei, China, dahil ang mga dadalhin umano sa area ay wala namang mga sakit.
“Wala silang coronavirus. Oobserbahan lang sila for 14 days. Sana po maintindihan nila ang sitwasyon,” giit ni Densing.
“It’s an order by the president. It was approved by the NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council)...wala hong magagawa ang lokal sa pagpunta o pagka-quarantine natin d’yan by tomorrow,” aniya.
Sinabi pa ng DILG official na bilang respeto sa alkalde ng Capas ay kakausapin nila ito upang marinig ang kaniyang opinyon.
Nabatid na nitong Biyernes, una nang nagpasa ng resolusyon ang Municipal Council ng Capas upang hadlangan na gawing ‘quarantine area’ ng mga Pinoy na uuwi sa bansa galing China, ang Athletes’ Village sa kanilang lalawigan.
- Latest