Isusugal mo ba?: Peligro ng motorcycle-taxis tuwing umuulan
MANILA, Philippines — Malamang sa malamang, inabot ka na nang ulan habang nagmamadali. Pero madali namang mag-Angkas, hindi ba? Book, click, solb.
Kahit bumubuhos na ang langit, isa ang commuter na si Elly Cua sa mga kampanteng mag-book sa tanyag na ride-hailing app.
"[M]ay kapote sila, face mask at shower cap. Mas napapabilis yung oras ko pag-uwi kasi minsan kailangan ko maghabol sa mga freelance ko kahit may day job ako hassle masayangan ng oras sa commute," sabi ni Cua.
"Hindi rin naman ako gaanong nababasa lalo na’t madalas yung mga nasasakyan ko yung kapote nila yung maganda yung poncho-style."
Meron din namang hindi ikinakaila ang takot sa peligro, ngunit sumusuong pa rin sa pagsampa habang masama ang panahon.
"Well, natatakot na rin kasi may experience na ko ng motorcycle accident. No choice na lang talaga minsan kaya need na mag-Angkas," paglalahad naman ni Mar Larracas."
"Especially palala ng palala ang traffic. Sinasabi ko naman sa driver na wag masyado mabilis yung patakbo."
Una nang sinabi ng arkitekto't urban planner na si Felino Palafox Jr. na siyam hanggang 15 taon ang inilalaan ng isang Pilipino sa masikip na trapiko kung lima hanggang anim na oras silang naiipit dito araw-araw.
Pero worth it nga naman bang isugal ang kaligtasan para hindi ma-late?
Basang kalsada at motorsiklo
Kung pagbabatayan ang datos ng Philippine National Police-Highway Patrol Group, mapapansing mas mataas ang bilang ng motorcycle road crashes tuwing tag-ulan kumpara tuwing tag-init mula Enero hanggang Oktubre 2019:
Matatandaang idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-init noong ika-22 ng Marso habang nagsimula naman ang tag-ulan nitong ika-14 ng Hunyo.
Tila tumatalima naman ang numero ng PNP-HPG sa mga datos na inilabas noon ng U.S. Department of Transportation.
Ayon sa isinagawang pag-aaral ng National Highway Traffic Safety Administration, 21% ng mga road crashes sa Estados Unidos mula 2007 hanggang 2016 ang may kinalaman sa lagay ng panahon.
Itinuturing na "weather-related crashes" ang mga disgrasya sa kalsada na nangyayari tuwing masungit ang panahon (hal. ulan, "sleet," nyebe, hamog atbp.) o kapag madulas ang daanan.
Umaabot ng 5,000 ang namamatay sa Amerika habang 418,000 ang nauuwi sa injury dahil sa weather-related crashes taun-taon.
"The vast majority of most weather-related crashes happen on wet pavement and during rainfall," paliwanag ng US DOT.
- 70% sa basang kalsada
- 46% tuwing umuulan
Higit na mas mataas 'yan kumpara sa mga disgrasyang nangyayari tuwing may nyebe o sleet (18%), mayelong kalsada (13%), "snowy/slushy pavement" (16%) at hamog (3%).
Ang lahat nang 'yan ay nangyayari habang lumalabas na lubhang delikado ang mga motorsiklo — umuulan man o hindi.
Narito ang hatian ng mga namamatay sa road crashes sa Timog-Silangang Asya, ayon sa "Global status report on road safety 2018" ng World Health Organization:
- motorized 2-3 wheelers (43%)
- iba pa/hindi tinukoy (25%)
- nagmamaneho/pasahero ng 4-wheeled vehicles (16%)
- pedestrian (14%)
- siklista (2%)
Pilipinas: Puntiriya ng bagyo't sakuna
Bagama't maituturing na tropikal na bansa ang Pilipinas — na mas mainit kumpara sa maraming lugar sa mundo — nakaharap ang bansa sa kanluran ng Karagatang Pasipiko, kung saan madalas mabuo ang mga bagyo (tropical cyclone).
Tanging sa Karagatang Pasipiko at Karagatang Atlantiko nabubuo ang mga "hurricane," ayon sa National Aeronautics and Space Administration.
Umaabot sa 20 bagyo ang tumatama sa Pilipinas taun-taon. Dahil dito, sa Philippine area of responsibility pumapasok ang pinakamaraming bilang ng tropical cyclones sa mundo.
Sa bilang na 'yan, walo o siyam na bagyo ang sasalpok sa kalupaan ng Pilipinas.
"Rurok ng typhoon season ang Hulyo hanggang Oktubre, kung kailan nabubuo ang 70% ng lahat ng typhoon," sabi ng PAGASA sa Inggles.
Kapansin-pansin din na labis na mas mahaba ang tag-ulan sa Pilipinas kumpara sa panahon ng tag-init.
Maulan? 'Wag mag-book
Dahil sa patung-patong na peligrong kinakaharap ng mga sumasakay ng motorsiklo lalo na tuwing basa ang kalsada, pinaalalahanan ng isang motorcycle ride-hailing app ang lahat na maghinay-hinay sa pagbu-book kapag hindi maganda ang panahon.
"We discourage rides during the rain... Kung talagang grabe 'yung buhos ng ulan, 'wag ka nang lumabas," sabi ni George Royeca, head ng Regulatory at Public Affairs ng Angkas, sa panayam ng PSN.
"[W]e encourage our passengers na huwag na kayong mag-book ng motorsiklo 'pag talagang malakas 'yung ulan. Stay where you are kung hindi naman talaga urgent 'yung pupuntahan niyo."
Sa kabila nito, tiniyak ni Royeca na ligtas tangkilikin ang kanilang serbisyo dahil sa matinding screening na pinagdaraanan ng kanilang mga riders.
Aniya, ginagaya ng kanilang "slalom courses" ang mga pangit na kondisyon na matatagpuan sa maraming kalsada sa Pilipinas.
Ginagawa raw nito ito upang makita kung sino ang mga pinakakarapat-dapat sa mga aplikante nila.
"In fact, we've trained about a 110,000 bikers. We've only onboarded 27,000. So we actually fail about more than 70% of people that apply for Angkas," dagdag pa niya noong 2019.
Ipinagmamalaki ng kumpanya ang kanilang 99.997% safety record, kung saan .003% lang daw ang accident rate.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang pilot testing ng mga motorcycle-taxis sa Pilipinas, na nilalahukan ng Angkas, Move It at Joy Ride.
Una nang sinabi ng technical working group ng Department of Transportation na papayagan nila ang pagpasada ng 45,000 motorsiklo sa Kamaynilaan, 9,000 sa Metro Cebu at 9,000 din sa Cagayan de Oro.
This story was produced under the Road Safety Journalism Fellowship carried out by VERA Files and the World Health Organization under the Bloomberg Initiative for Global Road Safety.
- Latest