'Special flights' ng mga uuwing Pinoy mula Wuhan sa Tsina handa na vs 2019-nCoV
MANILA, Philippines — Handa na ang Department of Foreign Affairs na i-repatriate ang mga Pilipinong nasa Lungsod ng Wuhan at probinsya ng Hubei sa Tsina bilang tugon sa nakamamatay na novel coronavirus (2019-nCoV) na kumakalat doon.
Umakyat na sa 132 ang namamatay kaugnay ng kinatatakutang sakit kasabay ng pag-"lockdown" sa mga 50 milyong nasa sa loob at paligid ng Wuhan, na unang pinagmulan ng outbreak.
Umabot na rin sa 5,974 ang kumpirmadong kaso ng virus sa Tsina — mas marami sa 5,327 tinamaan ng SARS doon noong 2003.
"Pagdating ng Pilipinas, isasailalim sa 14 araw na mandatory quarantine ang mga Filipino repatriates alinsunod sa guidelines ng Department of Health," sabi ng DFA sa Inggles.
Dahil dito, magsasagawa na ng espesyal na flights ang DFA mula probinsya ng Hubei pauwi ng Pilipinas.
Maaaring abutin ng mga Pilipinong nais umuwi ang Consulate General sa Shanghai dito:
PHILIPPINE CONSULATE GENERAL, SHANGHAI
Suite 301 Metrobank Plaza
1160 West Yan’An Road, Changning District, Shanghai 200052
Tel. No.: (+86-21) 6281-8020
Fax No.: (+86-21) 6281-8023
Hotline No.: (+86) 1391 747-7112
Email: [email protected] / [email protected]
Website: www.shanghaipcg.dfa.gov.ph
"Para sa mga Pilipinong gustong manatili sa Tsina, sumunod sila sa mga abiso ng local health authorities at makipagtulungan sa pagsisikap na hindi na kumalat ang 2019-novel coronavirus," dagdag pa ng DFA.
Idiniin naman ni Foreign Affairs Undersecretary for Strategic Communications and Research Ernesto Abella na magtungo lamang sa pinakamalapit na medical facility at kumuha ng angkop na atensyong medikal ang mga Pinoy doon.
Una nang binanggit ng DOH noong Martes na sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastusin para sa 14-day quarantine ng mga Pinoy, mula sa gamot hanggang sa pagkain.
Sa oras ng emergency, pwede ring kontakin ng mga Pilipino sa Hubei ang dalawang 24-hour hotlines na inihanda ng China Ministry of Foreign Affairs (MFA) sa +86-27-8712-2256 and +86-27-8781-1173.
Pwede raw gamitin ang mga linyang 'yan kung kailanganin nila ng tulong, karagdang supplies at iba pa.
- Latest