11 dayuhan sa Pinas inoobserbahan sa coronavirus
MANILA, Philippines — Binabantayan ngayon ang 11 dayuhang nasa bansa dahil sa posibilidad na baka ito ay kinapitan na ng pinangangambahang novel-Coronavirus.
Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque na ang 11 na iniimbestigahan at itinuturing na persons under investigation (PUIs) ay may history ng pagbiyahe sa Wuhan City sa China na sinasabing pinagmulan ng N-CoV.
Ayon kay Duque, pawang mga Chinese, Brazillian, German at American nationals na kasalukuyang naka-confine sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila, MIMAROPA, Northern Mindanao, Western Visayas, Eastern Visayas at Central Visayas.
Aniya, ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang nagsasagawa ng obserbasyon sa 11 at mula roon ay kanilang ipadadala ang kanilang findings sa Melbourne, Australia para sa confirmatory test.
“Within 24 hours ay makukuha naman ang resulta at matatagalan lamang sa pagta-transport,” dagdag ni Duque.
Samantala, umaabot na sa 80 ang nasawi sa 2,024 cases ng novel Coronavirus sa China.
Ayon sa Chinese Health Minister tumataas ang kakayahan ng virus na lumaganap ng mabilis.
Tinitingnan na rin ng mga eksperto ang posibilidad na mutation ng sakit, dahil kapag nangyari ito ay maaaring maging mas malakas pa ang corona strain.
Bukod sa China ay nakapagtala na rin ng kaso ng naturang sakit sa Canada, France, US, Nepal, Thailand, Malaysia, Singapore, South Korea, Japan, Taiwan, Hong Kong, Macau, Vietnam at Australia.
Sa ngayon nananatiling N-CoV free ang Pilipinas, ayon kay Duque.
- Latest