Bagong suplay ng magma, nakita sa Taal
MANILA, Philippines — Nakitaan ng bagong suplay ng magma ang Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, ang magma ay naitala sa may paanan ng bulkan dahilan para magkaroon ng mas maraming pagluwa ng abo mula sa bunganga nito.
“‘Yung nabanggit nating magma na galing sa 15 to 20 kilometers depth na nasa ilalim ng mga bayan ng Lemery, San Nicolas, at Agoncillo ay umabot na sa ilalim mismo ng bulkan at nasa around five kilometers,” pahayag ni Solidum.
Nang magkaroon ng pagyanig sa paligid ng bulkan ay nai-record na may recharge o bagong suplay ng magma sa ilalim.
Anya, ang abo na nailuluwa ng bulkan ay dulot ng pag-init ng groundwater dahil sa mainit na magma.
Patuloy namang tinaya ng Phivolcs na may 30 percent na posibilidad na sumabog ang bulkan dahil sa mga bagong aktibidad nito.
“Sa history ng Taal Volcano, nagpapahinga at sumasabog ulit. Sana ay ganyan na lang at hindi magkaroon ng 1754 type ng eruption na tumagal ng pitong buwan,” dagdag ni Solidum.
Gayunman, sinabi ni Solidum na kahit may panganib at posibilidad na magkaroon ng mas malakas na pagsabog ang bulkan, may tsansa pa rin na hindi ito gaanong makakapinsala sa buong Taal volcano island at karatig na lugar.
Patuloy pa ring ipinatutupad ng Phivolcs ang 14-km permanent danger zone sa paligid ng bulkan.
- Latest